ni Celo Lagmay
Sa hindi mapigilang paglobo ng COVID-19 cases na umabot na sa halos 9,000 kamakalawa, lalong tumibay ang aking paniwala na talagang walang pinipili ang naturang nakahahawa at nakamamatay na mikrobyo. Nangangahulugan na kahit sino -- maging ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa sa daigdig, mga alagad ng simbahan, kilalang mga pulitiko at kahit na karaniwang mamamayan -- ay hindi pinaliligtas ng traidor na coronavirus.
Kamakailan lamang, halimbawa, ginulantang ang aking mga kapuwa Novo Ecijano nang buong katapatang ipagbigay-alam ni Gob. Aurelio ‘Oyie’ Umali na siya ay tinamaan ng nakakikilabot na COVID-19. Sa kanyang mensahe na ipinarating sa pitak na ito -- sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis -- inamin ng aming Gobernador na siya ay nag-positibo sa Antigen Test para sa naturang sakit noong Marso 21. Sumailalim siya sa PCR Test at lumabas na kumpirmado siyang positibo sa nasabing virus. Ngayon, patuloy siyang naka-quarantine sa kanilang tahanan.
Sa nabanggit na mensahe, pinatunayan lamang ng aming Gobernador na hindi dapat ilihim ng sinuman ang taglay nilang karamdaman, lalo na nga kung sila ay mga lingkod ng bayan. Kaugnay nito, tandisan niyang inihayag: “Bilang Punong-lalawigan ay obligasyon ko po na ihayag sa publiko ang aking kalagayang pangkalusugan.” Gusto kong maniwala na ang gayong pag-amin ay taliwas sa paninindigan ng ilang kababayan natin na tila sinasadyang ilihim ang taglay nilang mikrobyo na maaring makahawa sa kanilang mga nakakasalamuha.
Binigyang-diin ni Gob. Umali na “bagamat ako ay nasa ganitong kalagayan, patuloy ko pong ginagampanan ang aking sinumpaang tungkuln sa ating lalawigan. Sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating probinsiya patuloy ko ring ipinakikiusap ang pakikiisa ng ating mga kababayan . . . hiling ko po na lagi tayong tumalima sa mga tagubilin ng Department of Health (DOH) at ng NE-IATF.”
Nais ko namang idagdag sa pakiusap ng aming Gobernador ang lagi kong binabanggit na makapangyarihang sandata laban sa traidor na coronavirus; Ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin. Kaakibat nito ang pagpapalakas ng ating immune system na isa ring pananggalang sa mga karamdaman.
Sa kabilang dako, nakalulugod namang mabatid na sa kabila ng pagdapo ng COVID-19 kay Gob. Umali, tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon ng iba’t ibang proyekto at programa sa lalawigan, lalo na ang pag-ayuda sa mga magbubukd at ba pang sektor ng sambayanan, kabilang na ang aking mga kababayan sa Zaragoza, NE. Patunay lamang ito na totoong walang balakid sa makabuluhan at makabayang paglilingkod.