Isiniwalat ng Department of Energy (DOE) na nakikipagtulungan sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang bantayan ang mga posibleng insidente ng “hoarding” at “profiteering” sa mga produktong petrolyo sa bansa.
Kaugnay ito sa tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng palala nang palalang sitwasyon sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Sa ulat na ibinahagi ng DOE, idiniin nila ang “Price Act of the Philippines,” at ang “Presidential Decree No. 1865, na anila’y nagsasaad ng karampatang aksyon at multa kontra sa mga indibidwal na nagsasagawa ng hoarding, overpricing, adulteration, at ilan pang gawi ng pagmamanipula ng presyo ng mga petroleum products.
Giit naman ng kalihim ng DOE na si Sec. Sharon Garin, walang lusot ang sinumang magtangkang labagin ang mga nasabing probisyon at batas.
“We will not tolerate any attempt to take advantage of the current situation at the expense of Filipino consumers,” saad ni Garin.
“Under the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr., the government is pursuing a whole-of-government approach to protect the public and maintain orderly fuel supply and distribution,” dagdag pa niya.
Ayon sa mga kaugnay na ulat, inaasahan ang katakot-takot na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, bunga ng patuloy na tensyon sa pagitan ng mga bansang nasa Middle East.
MAKI-BALITA: Record-breaking oil price hike, nakaamba: ₱19.62 sa diesel, ₱10.43 sa gasoline!-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: MB