ni Marivic Awitan
MARAMI ang nagulat sa pahayag ni Bobby Ray Parks Jr. na magsi-sit out sa darating na 46th season ng Philippine Basketball Association (PBA) sanhi ng problemang personal partikular sa kanyang pamilya.
Ginawa ni Parks ang pahayag sa kanyang social media account nitong Sabado.
“It is with a heavy heart that I will have to excuse myself and not partake in this year’s PBA season due to personal reasons which in particular, my family,” pahayag ni Parks sa kanyang social media post.
“It was not an easy decision to make, especially since I’ve been in constant talks with TNT management, but right now, this is what’s best for me and my family,” aniya.
“I will always be grateful for the opportunity to represent TNT and be part of such a special team and culture,” pagpapatuloy pa ng TNT Tropang Giga guard.
“Hopefully one day, once everything is resolved, I can come back to the team and help bring a championship to TNT.”
Maganda ang naging performance ni Parks sa nakaraang 45th season kung saan nangibabaw pa ito sa statistical points race sa pagtatapos ng semfinals ng isinagawang Philippine Cup bubble noong Nobyembre.
Ito rin ang naging dahilan kung kaya sya naging top contender sa Best Player of the Conference award na napanalunan ni Stanley Pringle ng Ginebra kahit pa hindi sya nakalaro sa huling apat na laro noong finals dahil sa iniinda nyang calf injury.
Sa kabila ng lahat, bagamat aminadong malaking kawalan sa roster nila si Parks, kumpiyansa naman ang kababalik pa lamang na TNT coach na si Chot Reyes na mananatiling competitive at palaban ang kanyang koponan.
Samantala, tila nagpahayag naman ng kanyang pagdududa si TNT owner Manny Pangilinan hinggil sa tunay na dahilan ng naging desisyon na mag sit out ni Parks.
Nagpahiwatig ang TNT top honcho ng kanyang pagdududa sa sinabi ni Parks na pamilya ang dahilan nito sa kanya ring post sa sarili nyang social media account na may kaakibat na larawan ni Parks na kuha umano sa La Union na may nakasaad pa sa caption nito na “Judge for yourself.”