NAGWAKAS na rin ang matagal na pagka-tengga ng Davao Occidental Cocolife Tigers.
Ang pinakahihintay na go -signal mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) ay hudyat para sa pagbabalik-aksiyon ng Maharlika Pilipinas Basketball League(MPBL) sa bubble set-up.
Itutuloy ng non-professional cage league ang Chooks-to-Go Lakan Cup playoffs simula Marso 5 sa SBMA, Olongapo City.
Haharapin ng Davao Occidental ang Basilan sa South Division, habang magtutuos ang San Juan at Makati sa North Finals.
Ang koponang Tigers ni Rep. Claudine Bautista ng Davao Occidental ay sa pagtataguyod din nina Cocolife President Atty.Jose Martin Loon,SVP Joseph Ronquillo,VP Rowena Asnan at EVP Franz Joie Araque.
Ang powerhouse team mula Mindanao na binubuo ng subok at bateranong sina Mark Yee,Bonbon Custodio,Billy Robles, Emman Calo,Bogs Raymundo,Gerwin Gaco,Joseph Terso,Harry Bonleon,Ronald Lamocha katuwang ang matalas na bagitong sina Yvan Ludovice,Richard Albo,Kenneth Mocon, Chester Saldua at Marco Balagtas.
“Our Tigers are 100% fit and ready for the playoff. Our mission is no less than a national crown.They’re raring to roar at the Subic bubble,” pahayag ni team manager Dinko Bautista na nagpasalamat kina deputy manager Ray Alao, basketball operation head Bong Baribar at buong coaching staff sa kanilang marubdob na pangangasiwa ng virtual training at physical conditioning ng team sa panahon ng lockdown.
Maninibago lang ang crowd drawer na Tigers na lalaro nang walang audience dahil sa mahigpit na health protocol na ipinatutupad ng IATF.
Darating ang tropang Davao Cocolife sa SBMA sa Marso 5 para sa swab test bago tumuloy sa hotel at apat na araw na ensayo para sa division finals sa Marso 10 at kung papalarin ay ang national finals best-of-five series simula Marso 12.