MULING kumilos ang pinagsanib na puwersa ng Games and Amusements Board (GAB) Anti-Illegal Gambling Division at Manila Police District (MPD) Special Operation Unit na nagresulta sa pagkadakip sa tatlong operator ng illegal bookies nitong Miyerkoles sa Pandacan, Manila.

Sa isinumiteng report ng GAB-AIGU, sa pangangasiwa ni SGI-2 Gleen Pe kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, kasama ang spot report, sinalakay nitong Pebrero 10 ng GAB-AIGU at MPD-DSOU, sa pangunguna ni PCPT Jervies Soriano, Deputy Chief, sa patnubay ni PMAJ Roderick Caranza, Acting Chief, ang illegal bookies sa No. 2873 Road 1 corner Baretto Village, Brgy. 840 Zone 91 District 6 Beata, Pandacan, Manila.

Naaktuhan na nagsasagawa ng illegal na aktibidad at sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling (Illegal Horse Racing Bookies) sina Freddie Bustinira, 51; Daniel San Lorenzo, 38 at Jay Hernandez, 32. Nasamsam sa kanila ang iba’t ibang kagamitan sa pagsasagawa ng illegal na gawain.

Ayon kay Pe, matagal nilang minanmanan ang naturang lugar matapos makatanggap ng sumbong mula sa concerned citizens at nang matiyak na positibo ang illegal bookies kaagad silang humingi ng tulong sa kapulisan.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Hindi po kami titigil hangga’t may mga kababayan tayong nagmamagandang loob upang masawata ang ganitong mga gawain. Muli kaming nagpa-paalala sa ating mga kababayan na huwag tangkilikin ang ganitong gawain. May mga Off-track betting station po tayo na ginagabayan ng GAB at makasisiguro kayong ang buwis na nakukuha ay makatutulong sa inyong kapwa,” sambit ni Pe.

“Yung pong itinataya ninyo sa ilegal bookies ay buwis na sana na magagamit ng pamahalaan sa iba’t ibang programa sa komunidad. Huwag na po nating tangkilikin ang mga ito,” aniya.