NANAWAGAN ang pinuno ng World Health Organizations nitong Lunes sa lahat na ipagpatuloy ang laban sa COVID-19, kasabay ng babala na bagamat napapagod na ang lahat sa pagkikipaglaban sa pandemya, ang virus ay “not tired of us”.
Sa kanyang talumpati sa annual assembly ng WHO, na muling nagsimula nitong Lunes matapos maputol noong Mayo, pinuri ni Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pagkakahalal ni Joe Biden bilang sunod na pangulo ng US, na maaaring magbigay ng senyales para sa mas mahigpit na kooperasyon ng mundo upang mawakasan ang pandemya. Mahalaga, aniya ito, para sa mga tao na sumunod sa agham at maiwasan ang pagsasawalang-bahala sa virus.
“We might be tired of COVID-19. But it is not tired of us,” paalala niya. Babala ni Tedros, na kagagaling lamang mula sa quarantine matapos makasalamuha ang isang nagpositibo sa COVID-19, tinatarget ng virus ang kahinaan.
“It preys on those in weaker health, but it preys on other weaknesses too: inequality, division, denial, wishful thinking and wilful ignorance,” aniya. “We cannot negotiate with it, nor close our eyes and hope it goes away.”
“It pays no heed to political rhetoric or conspiracy theories,” dagdag pa nito.
“Our only hope is science, solutions and solidarity.”
Lumabas ang pahayag matapos maitala ang higit 1.25 milyong tao na namatay at higit 50 milyong tao na nahawa ng COVID-19 sa buong mundo mula nang una itong umusbong sa China noong nakaraang taon.
Giit ni Tedros, inilantad ng pandemya ang pangangailangan ng mundo na muling matutunan ang “sense of common purpose”, na naglaho sa mga nakalipas na taon dulot ng “creeping tides of misguided nationalism and isolationism”.
“In that spirit, we congratulate President-elect Joe Biden and Vice President-elect Kamala Harris and we look forward to working with their administration very closely.”
Nagbigay na ng senyales si Biden na agad babaligtarin ang desisyon ni Donald Trump na kumalas ang United States—ang tradisyunal na top donor ng WHO—mula sa UN health agency.
“We need to reimagine leadership, built on mutual trust and mutual accountability, to end the pandemic and address the fundamental inequalities that lie at the root of so many of the world’s problems,” ani Tedros.
ITINAKWIL
Kapansin-pansin naman na wala sa muling pag-usad ng World Health Assembly (WHA) ang Taiwan, na sinasabing Chinese “obstruction” ang nagharang dito mula sa pagdalo at inakusahan ang WHO ng pagtuon sa politika sa halip na kalusugan.
Hinahangaan ng marami ang self-ruled island na may 23 milyong populasyon para sa matagumpay nitong paglaban sa pandemya—na nagtala lamang ng pitong pagkamatay at halos 600 kumpirmadong kaso.
Ngunit iniwan ito ng WHO sa pamamagitan ng Beijing, bilang pagkilala sa Taiwan na teritoryo ng China—na hindi rin pinayagang makilahok bilang observer tulad sa naging kaso noong 2009 at 2016.
“As the world is still under serious threat of the COVID-19 pandemic… it is an irony to the ‘health for all’ goal under the WHO charter [to exclude Taiwan]”, pahayag ng Taipei’s foreign ministry nitong Lunes.
Pagtutuunan ng WHA ang higit 60 iba pang health emergencies na tinugunan ng WHO ngayong taon, kabilang ang measles, Ebola at yellow fever outbreaks. Isa itong okasyon sa mga bansa para talakayin ang pagreporma sa WHO upang makatugon ito sa mga pagsubok tulad pandemic sa mabilis at epektibong paraan.
Muling nanawagan si Tedros para sa “a system in which countries agree to a regular and transparent process of peer review [of their health policies”. Aniya, ang Universal Periodic Review sa UN Human Rights Council, kung saan sinusuri ang kalagayan ng karapatan ng mga bansa, ay maaaring maging inspirasyon.
Isinulong ang ideya noong nakaraang taon ng Central African Republic at Benin, kasama ang France, Germany at Cameroon na handa nang simulan ang proyekto, aniya.
Ang isyu ng transparency sa mga polisiyang pankalusugan ay ang sentro ng COVID-19 pandemic, kung saan inaakusahan ang China ng ilang mga bansa kabilang ang United States ng pagtatakip sa mga unang kaso ng coronavirus.
Agence France-Presse