Kasalukuyang nasa EDSA Shrine sa Quezon City ang maraming mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte para ipakita ang kanilang pagsuporta sa kaniya, sa kabila ng mga nangyayaring gulo sa pagitan nila ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Nagsimula bandang hapon ng Martes, Nobyembre 26, bukod sa pagpapakita ng suporta kay VP Sara ay nagpatutsada rin sila kay PBBM.
Ang ilan daw sa kanila ay mula pa sa iba't ibang lugar sa Maynila at Quezon City, Kapansin-pansin din ang pamamahagi ng packed lunch at tubig para sa kanila.
Bandang alas-6:00 ng gabi, naispatang may hawak na mga bulaklak ang mga tagasuporta, na ibibigay raw nila sa kapulisan kung sakaling papaalisin sila sa lugar.
Namataan din sa nabanggi na pagtitipon si Jeffrey "Ka Eric" Celiz na isa sa mga kritiko ni PBBM. Aniya sa panayam, pinili nilang magtipon-tipon sa EDSA Shrine dahil dito rin naganap ang makasaysayang pagpapatalsik sa ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., at nais nilang ipahayag ang kanilang saloobin laban sa administrasyon sa tahimik na paraan at walang dahas.
Nagsagawa rin sila ng candle lighting at pag-awit ng "Pilipinas Kong Mahal." Hindi pa namamataan sa venue si VP Sara o iba pang mga miyembro ng pamilya Duterte.
Samantala, kasalukuyang nasa UAE si PBBM para sa bilateral meeting kay United Arab Emirates (UAE) President His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan.
MAKI-BALITA: PBBM, nasa Abu Dhabi na para sa bilateral meeting sa UAE President