Nagpatupad ng malakihang taas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) ang ilang kumpanya ng langis sa bansa sa pangunguna ng Petron, kahapon.
Sa anunsyo ng Petron, nagtaas ito ng P3.20 sa presyo ng kada kilo ng kanyang Gasul at Fiesta Gas katumbas ng P35.50 na dagdag-presyo sa bawat 11 kilogram na tangke ng LPG nito, kahapon, dakong 12:01 ng madaling araw.
Bukod dito, nagtaas din ang nasabing kumpanya ng P1.79 sa presyo ng kada litro ng Auto-LPG nito na karaniwang ginagamit sa taxi.
Agad namang sumunod ang Phoenix LPG Phils. Incorporated ng kaparehong dagdag-presyo sa kanyang Phoenix Super LPG habang P1.80 naman sa presyo ng kanyang Auto-LPG. Nagtaas na rin ang Solane ng P2.84 sa presyo ng kada kilo ng LPG nito na katumbas ng P31.24 na dagdag-presyo sa regular nitong tangke.
Ang bagong price adjustment ay bunsod ng paggalaw ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
-Bella Gamotea