UMABOT sa 6.67 milyong pagkamatay ang idinulot ng polusyon sa hangin, ikaapat sa pinakamapanganib na salik na nagdudulot ng maagang pagkamatay, sa buong mundo noong nakaraang taon, ayon sa isang pag-aaral na inilabas nitong Miyerkules.
“Air pollution is the leading environmental risk factor for early death, with its total impact exceeding only by high blood pressure (10.8 million), tobacco use (8.71 million), and dietary risks (7.94 million),” pagbibigay-diin sa ulat ng State of Global Air 2020.
Sa pagkamatay ng bagong mga panganak, nakasaad sa ulat na ang kakulangan sa kalidad ng hangin ay nagdulot din ng halos 500,000 pagkamatay sa buong mundo noong nakaraang taon sa mga sanggol na nasa unang buwan pa lamang ng kanilang buhay.
“[Due to unprecedented Covid-19 restrictions], satellite and ground-based air quality monitoring data have shown substantial reductions in concentrations of pollutants such as nitrogen dioxide (NO2) and, in some cases, modest reductions for other pollutants such as PM2.5,” ayon pa sa ulat.
Gayunman, nilinaw ng ulat na ang mga positibong pagbabago sa malinis na hangin ay pansamantala lamang, dahil sa pag-aalis ng mga restriksyon, mabilis ding tumataas ang emission, na bumubura sa napagtagumpayan sa nakalipas na mga buwan.
Sa buong mundo, nasa 1.12 milyong buhay na ang kinuha ng COVID-19 pandemic sa 189 bansa at rehiyon mula noong Disyembre ng nakaraang taon.
Higit 40.83 milyong kaso naman ang naitala sa buong mundo, kasama ng halos 28 milyong recoveries, ayon sa tala na kinalap ng Johns Hopkins University sa US.
Nabanggit din sa ulat ang tatlong bansa na may highest population-weighted exposure sa buong mundo—ang India, Nepal, at Niger, habang ang tatlong bansa na may pinakamababang exposure ay ang Australia, Brunei Darussalam, at Canada noong 2019 bilang bahagi ng PM2.5, airborne particulates 2.5 microns o less in diameter.
“The impact [of air pollution] on the numbers of people affected is clearly dominated by countries in South and East Asia, most notably in India and China,” saad pa ng ulat, na nagsabing mula noong 2010, ang mabagal na bumaba ang paggamit ng solid fuel sa maraming rehiyon, partikular sa South Asia at Southeast Asia, East Asia, at Oceania Super Regions.
-Anadolu