PORMAL nang nagsumite ng aplikasyon si dating PBA 6-time ‘Best Import’ Sean Chambers bilang head coach ng nabuwag na University of Santo Tomas Golden Tigers.

Ayon sa tinaguriang Alaska resident import, naipadala na niya ang ‘letter of intent’ upang ibalik ang tatag ng Tigers at makabuo ng fighting squad para sa darating na season.

Nagdesisyong mag-apply si Chambers para maipagpatuloy ang ginawang programa ng namayapang coach na si Aric del Rosario noong dekada 90.

“You got to come back to what they used to be about — a bunch of young men who support the university and play for the university in all battles. And just to reach out to the alumni to come back and be supportive of the program like it was in the 1990s when it was with Coach Aric,” pahayag ni Chambers.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Hindi naman baguhan pagdating sa coaching si Chambers na kasalukuyang Dean of Students sa Fern Bacon Middle School sa California.

Head coach din sya sa ngayon ng Antelope High girls’ basketball team at direktor ng JBS girls’ basketball club.

Naging masugid na tagasubaybay si Chambers noon ng UST habang naglalaro sa Alaska kung saan assistant coach si Del Rosario na itinuring niyang pangalawang ama.

“When I was with Alaska, I was a frequent visitor of UST with the games and the practices, and learned a lot of the Philippine culture.”

Nasa alanganing sitwasyon ngayon ang men’s basketball team ng UST matapos mabalot ng eskandalo dulot ng isinagawang training camp sa Capuy, Sorsogon, sa gitna nang ipinapatupad na community quarantine.

Pinatawan ng ‘indefinite banned’ ng UAAP si Aldin Ayo na naunang nagbitiw bilang UST coach matapos pumutok ang kontrobersya sa social media.

Dahil dito, humanay si Chambers sa iba pang mga coaches na nagsipag-apply din sa puqesto na kinabibilangan ng mga alumnus na sina Siot Tanquingcen, Chris Cantonjos, Estong Ballesteros, Aris Dimaunahan, Gilbert Lao at Ed Cordero gayundin sina Chris Gavina at Potit De Vera.

-Marivic Awitan