“BANTAYAN ninyo ang inyong mga anak sa kanilang mga ginagawa, anong mga organisasyon ang kanilang sinasamahan. Ang pangangalap ng New People’s Army (NPA) ng kanilang mga kasapi ay nagsisimula sa mga kolehiyo at unibersidad. Nagiging aktibista sila sa simula para sa ikabubuti ng lahat. Pagkatapos gagawin silang radikal hanggang sa maging NPA terrorist,” babala ni 7th Infantry Division-Public Affairs Chief, Maj. Amado Guiterrez ng Philippine Army sa mga magulang. Nagbabala si Guiterrez dahil sa reklamo ng mga magulang na natanggap ng National Commission on Indigenous People (NCIP) –Zambales. Ayon sa kanya, nakita ng isang inang kaanib ng tribung Aeta sa Zambales ang mga batang may edad mula 10 hanggang 14, sa loob ng isang bahay na pinapanumpa ng kanilang katapatan sa Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA. Paliwanag pa ng 7th ID, nakumpirma nila ang ulat kaugnay ng pagre-recruit ng NPA nang maaresto ang limang rebeldeng Aeta kabilang ang isang menor de edad sa Zambales nitong Agosto 21.
Kung totoo ang sinasabi ni Maj. Guiterrez na nagrerecruit ang NPA ng kanilang mga kasapi at nagtatagumpay sila, sa palagay kaya ninyo may maitutulong ang kanyang babala sa mga magulang para masawata ito? Wala ring epekto itong ipinangako ng militar na susuportahan nila ang abogado ng NCIP Zambales na si Roman Antonio sa pagsasampa ng kaso laban sa CPP-NPA dahil sa patuloy na pangangalap ng mga bata upang maging kaaway ng pamahalaan at sa paggamit ng nasabing tribo. Hindi na kasi natuto sa kasaysayan ang mga taong nabigyan ng pagkakataon para patakbuhin ang gobyerno. Nauulit ang kasaysayan o nagtutugma ang mga pangyari dahil ang mga pinalad na mabigyan ng taumbayan ng kanilang kapangyarihan ay iba ang trato sa gobyenrno. Ang gobyerno ay instrumento ng mamamayan para sa kanilang ikabubuti at hindi sa ikabubuti ng iisa o iilan. Dahil laging ganito ang nangyayari, maganda ang relasyon ng mga nasa gobyerno at mamamayan sa mga unang taon ng kanilang panunungkulan dahil buhay pa sa mamamayan ang pagasa na may pagbabagong darating tulad ng ipinangako ni Pangulong Duterte. Sumasama na ang relasyon, tulad ng naganap ngayon dahil dismayado na sila. Ibang pagbabago ang nangyari.
Ang kasaysayan ang magpapatunay na kailanman ay hindi mawawala ang CPP-NPA at lahat ng mga grupong lumalaban sa gobyerno dahil walang pagbabago sa sistema ng pamamahala nito. Sila ang mga neutralizer. Kapag malakas ang gobyerno, hihina sila. Lalakas sila kapag humina na ang gobyerno na siyang nagaganap ngayon. Humihina na ang gobyerno sapagkat marami nang nakalugmok sa kahirapan. Ang iba ay sa kalye na nakatira. Nagugutom at umaasa na lang sa iba para sa kanilang ikabubuhay. Pero nakikita nila ang nangyayari sa napakalaking salapi ng bayan na iilan lang ang nagpapasasa. Ang mga katutubo tulad ng mga Aeta ay pinapalayas sa kanilang ancestral land upang minahin at tayuan ng mga proyekto gaya ng Kaliwa Dam. Ang lumalaban para sa kanilang karapatan ay pinapaslang. Kaya, ang kaapihan, kagutuman at kawalan ng katarungan ang nagpapalakas sa mga grupong lumalaban sa gobyerno.
Dahil armado ang mga ito, sila ang takbuhan ng mamamayan na sa wari nila ay wala na silang maaasahan sa gobyerno.
-Ric Valmonte