Hindi na tatalakayin sa taong ito ang Charter Change (Cha-Cha) matapos ipasya ng House committee on constitutional amendments na magpulong na lamang sila sa Enero o Pebrero 2021 upang maituon ng mga kongresista ang atensiyon sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Inihayag ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng komite, ang hindi pagtalakay sa Cha-Cha ngayong 2020 ay batay na rin sa suhestiyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Aniya, pagtutuunan muna nila ng pansin ang panukalang batas na may kaugnayan sa COVID-19 at sa pagpapatibay sa 2021 P4.5 trilyong national budget.
“Hindi na muna pag-uusapan ang Charter Change,” ayon kay Rodriguez. Taliwas ito sa sinabi niya noong Hulyo na ang komite ay magpupulong sa loob ng dalawang unang linggo kasunod ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) para talakayin ang mga proposal ng higit sa 1,400 mayor sa bansa tungkol sa ChaCha.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagnanais na magkaroon ng Cha-cha tungo sa pederalismo matapos mahalal na Pangulo.
Gayunman, sa nakalipas na mga taon, tinabangan na ang pangulo sa pagpapalit ng Saligang Batas dahil matamlay ang mga mamamayan sa federal form of government.
-Bert de Guzman