Nahawaan na naman ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa ikalawang pagkakataon.

Ito ang kinumpirma mismo ng nasabing opisyal kahapon matapos sumailalim sa RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction test nitong Agosto 14.

Inilabas aniya ang resulta ng pagsusuri nitong Sabado.

Kinumpirma ni Año na nagsimula siyang makaranas ng mga sintomas na katulad ng sa trangkaso na kinabibilangan ng pangangati ng lalamunan at pananakit ng katawan, nitong Agosto 13.

Probinsya

Binatilyong nanonood ng liga, patay matapos makuryente sa poste ng basketball ring

“I began my self-quarantine and got myself PCR tested on August 14,’’ sabi ng kalihim.

Sa ngayon, binabantayan pa rin si Año ng mga doktor at ito ay naka-isolate na upang hindi makahawa sa kanyang pamilya.

“I make this announcement to call the attention of all persons I had close contact with to go on self-quarantine, observe any symptoms in accordance with DOH guidelines, and take appropriate action,’’ paliwanag nito.

Dahil aniya sa nangyari, nagpapakita lamang na mabagsik ang nabanggit na virus.

Umapela rin ito sa publiko na pairalin ang minimum health standards, katulad ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at social distancing.

“By adhering to these guidelines, we can all help keep our loved ones and our community safe,’’ sabi pa Año.

Matatandaang unang dinapuan ng COVID-19 si Año nitong Marso 31 hanggang sa gumaling at nagnegatibo na ito noong Abril 13.

-CHITO CHAVEZ