ISASAGAWA ng PBA ang mass testing para sa COVID-19 para sa mga players, coaches, staffs at league personnel bilang "safety protocols" sa sandaling payagan na muling magsagawa ng laro sa liga.

“Malaking bagay yung testing. Yun ang pinakaunang dapat natin gawin,” wika ni  PBA commissioner Willie Marcial sa panayam sa programang Power and Play sa Radyo Singko.

pba1

Dapat lamang na makatiyak ang lahat ani Marcial na walang sinuman ang nagtataglay ng virus dahil malaki ang tsansang makahawa ang taong "infected" nito dahil sa di maiiwasang pisikalan na nagaganap sa bawat laro.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Kasi pag hindi ka nag-test, syempre depensahan yan, baka mag-alangan yung players. Pero kung alam ng players na safe kayo pareho, makaka all-out pa rin sila,” aniya.

Maliban dito ay marami pa silang ipapatupad na mga "safety measures" sa pagsabak ng liga sa tinatawag ngayong "new normal".

Mahigpit ang kanilang koordinasyon sa Games and Amusement Board (GAB) para sa mga "safety protocols" hindi lamang para sa mga teams kundi maging sa mga fans at manonood.

Ilan sa mga ito ang pagsusuot ng face masks sa mga venues, paggamit ng mga sanitizers, gayundin ang magiging "seating arrangements" at paggamit ng mga "thermometer guns" sa lahat ng "entry points" ng mga "playing venue".

Sa kasalukuyan, bawal pa rin ang mga "mass gatherings" kahit inilagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.

Titingnan muli ng PBA board ang sitwasyon pagdating ng buwan ng Agosto kung anong kahihinatnan ng Season 45.

“Baka sa August makakakita na tayo ng konting liwanag kung papayagan tayo ng gobyerno kahit practices lang, kahit walang scrimmages, conditioning lang,” ani Marcial.

Sakaling hindi pa rin makakapaglaro pagdating ng Oktubre, maaaring tuluyan ng kanselahin ang Season 45.

Pero kung makakapag- ensayo na ang mga teams pagdating ng Setyembre, maaaring makapaglaro na at ituloy ang Philippine Cup sa Oktubre at tapusin ito ng Disyembre o Enero 2021. MARIVIC AWITAN