Dear Manay Gina,

Ako ay may ‘steady date’ sa loob ng halos isang taon. Pareho kaming edad-kuwarenta at hindi na teenagers. Anim na buwan na ang nakalipas mula nang aminin ko na in love ako sa kanya. Alam niyang hindi ako madaling umibig at talagang pinag-isipan ko ang bagay na ‘yon bago ko sinabi.

Ang sabi lang n’ya, ‘he cares for me’ daw. Kaya lang, pagdating daw sa love, ay may kabagalan siyang mag-commit. Sa kasalukuyan, parang pagod na ako sa paghihintay kung kailan siya magiging handang muli sa tawag ng pag-ibig. Sayang nga, dahil kung tutuusin, ‘click’ kami sa lahat ng bagay, maliban sa pananaw tungkol sa pakikipagrelasyon. Sa tingin n’yo ba, panahon na para tanggapin kong wala nang pupuntahan ang aking paghihintay? Hindi na kasi ako bata at natatakot akong mag-aksaya ng panahon sa isang tao na hindi sigurado sa kanyang damdamin.

Violet

Dear Violet,

“He cares for you” pero hindi niya kayang magdesisyon tungkol sa inyong pagtitinginan? Nang sinabi mong ‘click’ kayo sa maraming bagay, maliban sa aspetong emosyonal, nais kong ipaalala sa iyo na maliban doon, wala nang ibang bagay pa ang puwedeng maging ‘click ‘ kayo.

Hanggat maaari, umiwas ka sa mga taong takot sa responsibilidad dahil baka maging martir ka sa pagdadala sa inyong relasyon. Ikaw nga ang may sabing hindi ka na bata. Tama ang iyong pasya na ‘wag mag-aksaya ng panahon sa mga lalaking madamot sa pagpapakita ng pagmamahal.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Deceivers are the most dangerous members of society. They trifle with the best affections of our nature, and violate the most sacred obligations.” –George Crabbe

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia