HUMANGA ang lady director na si Direk Ice Idanan sa dalawa niyang lead stars na sina Jasmine Curtis Smith at Ruru Madrid, movie na dinirek niya, ang Cara X Jagger na joint venture ng APT Entertainment at Cignal Entertainment. Ikinuwento ito ni Direk Ice sa mediacon ng movie nang tanungin siya sa dalawa na first time lamang niyang naidirek.

JASMINE AT RURU

“Bumilib ako kay Jasmine nang una kaming mag-meet,” natatawang kuwento ni Direk Ice. “Nagtaka ako na may dala siyang notebook nang una kaming magkaharap. Iyon pala magti-take down siya ng notes kung ano ang pag-uusapan namin. Iba ang professionalism ni Jasmine. At pinatunayan naman niya nang mag-shooting na kami, kung gaano siya kahusay na actress.

“Si Ruru naman, akala mo ay happy-go-lucky lamang siya kahit nagsu-shooting kami, pero iba rin siya. Pagkatapos ng take ng isang magandang eksena, itatanong niya sa akin kung okey ba, hindi siya papayag na ang sagot mo sa kanya ay “pwede na,” hihingi siya ng retake kung hindi maganda ang ginawa niya. Bagay nga silang magkasama ni Jasmine sa movie, pareho silang professionals. They want to contribute to the movie, kaya pinag-uusapan namin kung hindi sila satisfied sa performance nila.”

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Ang “Cara X Jagger” ay isang unforgettable love story ng dating magkasintahan, pero may mangyayari na susubok sa kanilang katatagan. Si Cara ay pipiliting kalimutan ang pangyayari na sumira sa kanilang relasyon, samantalang si Jagger ay pilit na inaalaala ang kanyang nakaraan, matapos mawala ang kanyang alaala dahil sa isang aksidente.

Thankful naman si Jasmine dahil after seven years, first time niyang magbida sa isang mainstream movie, marami siyang ginawang movies noon, tumanggap pa siya ng mga awards, pero mga indie films iyon.

Ganoon din pala si Ruru after seven years na isa siyang Kapuso actor, na gumawa na siya teleseryes at movies, first time din niyang gaganap ng lead role sa isang mainstream movie, at katambal pa niya ang isang mahusay na actress, si Jasmine.

Nagkabiruan sa mediacon kung nagkaroon ba na totohanin nila ang roles nila bilang sina Cara at Jagger?

“Hindi po, naging best of friends lamang kami ni Jasmine, ang bait niya, masarap kasama pero may boyfriend na po siya,” sagot ni Ruru. Natawa naman si Jasmine, ayaw yata niyang ibuko na may girlfriend din naman si Ruru.

Anyways, kasama pa rin sa movie sina Dante Rivero, Dino Pastrano, Gabby Padilla, Miko Raval, Kenneth Medrano, Michelle Dee at Sophie Albert. Mapapanood na sila simula sa November 6 in cinemas nationwide.

-NORA V. CALDERON