Kinumpiska ng Taiwan Food and Drug Administration ang packaging ng isang french fries outlet sa Pilipinas dahil sa umano'y ipinagbabawal na kemikal na natagpuan dito.
Sa ulat ng Taipei Times kamakailan, sinabi ni Liu Fang-ming, Direktor ng Northern Taiwan Management Center, ang 560 kilograms ng mga cylindrical paper box ay natagpuang naglalaman ng 'optical brighteners,' na ipinagbabawal na gamitin sa ilalim ng Sanitation Standards for Food Utensils, Containers and Packages ng Taiwan.
Ayon sa FDA, ang mga container ay ibabalik sa supplier o wawasakin.
Haharap umano ang Taipei-based na importer ng non-compliant containers sa enhanced inspections, sabi ni Liu. Ito raw ang unang paglabag ng kompanya sa loob ng anim na buwan.
Iniulat din ng FDA na may 13 iba pang importasyon na pinatigil sa border dahil sa hindi pagtupad sa safety inspections, kabilang ang mga sariwang hallabong mula sa South Korea at dried red dates o jujubes mula sa China.
Napag-alaman na ang mga jujubes ay naglalaman ng 0.4 bahagi bawat milyon (ppm) ng pesticide trichlorfon, na lumampas sa legal na limitasyon na 0.05 ppm, at 13.09 ppm ng dichlorvos, na ipinagbabawal sa mga jujubes sa ilalim ng Standards for Pesticide Residue Limits in Foods.
Kaya naman pinagpasyahan na ibalik ang mga ito sa nagtinda o kaya ay sirain na lang.