HINDI lang ang netizens at Autism Society Philippines ang pumuri kay Arjo Atayde sa pagganap niya bilang may autism kundi mismong katrabaho niyang artista sa The General’s Daughter.
Sa #TGDSalute mediacon para sa finale week ay puring-puri at hindi makakalimutang eksena ni JC de Vera bilang si Major Ethan del Fierro si Elai (Arjo) sa eksenang namatay ang tatay nitong si Emilio Garcia sa hospital.
Kuwento ni JC, “’Yun namatay ‘yung father niya (Elai) di ba? (palakpakan ang lahat ng nasa Dolphy Theater). Nandoon ako sa eksenang ‘yun, na out of character ako dahil kay Arjo ganu’n siya kagaling dahil hindi naman ako dapat maiyak sa eksenang ‘yun dahil isa po akong sundalo, pero naiyak po ako dahil sa kanya. So, isipin n’yo kung napaiyak niya (Elai) ‘yung mga ka-eksena niya sa totoong buhay, what more ‘yung mga viewers di ba?”
Biniro tuloy si Arjo na magpainom at nag-yes naman ang aktor. ‘Yun nga lang hindi siya nagtagal sa mediacon dahil kinailangan niyang bumalik sa taping ng Bagman 2 handog ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment.
Actually, in character si Arjo bilang si Benjo nang dumalo ng mediacon dahil naka-eye glasses na siya bilang bagong halal na gobernador ng bayan nila.
Samantala, huling linggo na ng TGD next week at abangan kung paano tatapusin ni Rhian Bonifacio (Angel Locsin) ang misyon niya sa mga tiwaling na tao sa pangunguna ni Heneral Tiago (Tirso Cruz 111).
-REGGEE BONOAN