KUNG naging isang pelikula lang ang nangyaring pagdinig sa Senado hinggil sa lumalalang trapik sa Metro Manila nitong Martes ng umaga, marahil ay maraming tagapanood ang sumigaw: Isauli ang bayad!
Itong linyang ito ang ating maririnig sa tuwing may mga pelikulang inakala natin ay magiging patok subalit kapag habang pinanonood mo ay parang gusto mong batuhin ng kamatis ang puting-tabing dahil walang kalatuy-latoy ang mga eksena.
Ganito marahil ang naging emosyon ng ating mga kababayan habang sinusubaybayan ang pagdinig ng Senate Public Services Committee ang paliwanag ng iba’t ibang sangay ng gobyerno sa tumitinding trapik sa Kalakhang Maynila.
At ang pambungad ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ay simple lang: Kailangan ng emergency powers upang masolusyonan ang problema sa trapik.
Tila isang pulis na habang kaharap ang isang kriminal at wala nang ibang nakikitang alternatibo kung hindi bumunot ng baril at putukan ito.
Ika nga: Shoot now, explain later.
Hindi naman agad ito pinatulan ni Senator Grace Poe, na siyang chairman ng naturang komite. Inisa-isa ng mga senador na tanungin si Tugade at iba pang resource speaker na ihayag ang kanilang master plan sa pagsasaayos ng trapik.
Sa ganitong klasing eksena, siguradong maaalala niyo ang mga panahong kayo ay nag-aaral pa at bigla na lang nagtanong ang inyong guro kung natugunan ninyo ang inyong homework. Bokya!
Wala ni-isa sa mga resource speaker ang nakapaglabas ng master plan para sa Metro Manila Traffic.
Napakahalaga ng pagkakaroon ng traffic master plan, ito man ay short, medium o long term.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim na nasa kalagitnaan pa lang ng pag-aaral ang Japan International Cooperation Agency (JICA) upang makapagbalangkas ng master plan para sa trapik ng Metro Manila.
Anak ng tokwa talaga! Hindi ba’t ang master plan ay maituturing natin na isang diskarte na rin sa isang malaking problema tulad ng trapik na ating pinapasan sa araw-araw?
Bakit hihintayin pa na matapos ng JICA ang master plan bago gumawa ang ating magagaling na opisyal ng gobyerno ng sarili nilang bersiyon? Hindi ba kayo nagbigay ng input o ano mang mahahalagang datos sa JICA upang makatulong sa kanilang project study?
O talagang wala kayong inisyatibo upang magkaroon ng traffic master plan?
Hindi kataka-taka na marami sa mga umaalintabay sa pagdinig sa Senado na atakehin sa puso dahil sa kawalan ng diskarte ng gobyerno.
Nararapat lang na itinigil na ng ilang istasyon ng telebisyon ang live coverage ng Senate hearing. Sabay-sabay tayong sumigaw: Isauli ang bayad!
-Aris Ilagan