TALIWAS sa kabi-kabilang pagbabawal sa mga tauhan ng gobyerno sa pagtanggap ng regalo mula sa sinuman, tandisan namang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte na wala siyang makitang ‘irregular’ sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis. “Kung bigyan kayo, eh tanggapin ninyo. It is not bribery because it is allowed by law. What I mean if there is generosity in them sabi ng anti-graft you cannot accept gifts. Kalokohan yan.”Mariing sambit ng Pangulo.
Gusto kong maniwala na ang pahiwatig ng Pangulo ay sumasakop hindi lang sa mga pulis at iba pang alagad ng batas kundi sa iba pang kawani ng pamahalaan. Bagama’t hindi isang abugado, gusto ko ring maniwala na ang pagtanggap ng mga pulis ng regalo ay taliwas naman sa paulit-ulit na paninindigan ng Civil Service Comission (CSC); mahigpit na ipinagbabawal nito ang pagtanggap ng lahat ng tauhan ng gobyerno ng anumang regalo mula sa sinuman. Ang gayong paglabag ay may taglay na kaparusahan kung mapapatunayan.
Sa gayong tila magkakasalungat na pananaw, naniniwala ako na marami ang masyadong naguguluhan, lalo na kung nanamnamin ang pagmamatuwid ng Pangulo: “If you are able to solve a crime and the family would like to be generous to you or would nurture a feeling of gratitude for what you accomplish, then by all means, accept it.” Nakaukol ito sa mga pulis at iba pang alagad ng batas. Subalit, muli, natitiyak ko na ito ay sumasakop din sa iba pang tauhan ng pamahalaan na tulad ng iba ay nakagawa rin ng mabuti sa kanilang kapuwa.
Biglang sumagi sa aking utak ang isang makabuluhang pananaw ng isang editor ng pinaglilingkuran naming pahayagan maraming taon na ang nakalilipas. Hinggil din ito sa nakagawiang pagbibigay at pagtanggap ng regalo ng mga mamamahayag. Simple at makahulugan ang pahayag ng aming editor: “If I give you this ballpen as a gift and you return it to me, sa palagay mo kaya ay hindi ako maiinsulto? In other words, you receive but never ask.” Nais niyang ipakahulugan na dapat lang tumanggap ng regalo ngunit huwag na huwag manghihingi.
Maliban na nga lamang kung may nilalabag na batas, nais kong bigyang-diin na ang pagtanggap ng regalo o anumang bagay mula sa sinuman ay produkto ng matapat na pakikipagkapuwa-tao, lalo kung ito ay walang kondisyon o yaong may tinatawag na ‘string-attached’.
At ang pagtanggi sa mga regalo o anumang bagay na simbolo ng kagandahang-loob ay maituturing na sukdulan ng pagkukunwari o hypocrisy.
-Celo Lagmay