Binira ng transport group na PISTON ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na ikansela ang fare hike sa lahat ng pampublikong transportasyon.
Sa panayam ng media kay Bong Baylon—PISTON National Deputy Secretary General, iginiit niyang tila wala raw talagang balak tumulong sa kanila ang gobyerno, kasunod ng naturang desisyon ni PBBM.
“Barya na nga lang, binawi pa. Samakatuwid, wala talaga siyang intensyon na tulungan yung mga driver,” ani Baylon.
Saad pa niya, “Kung talagang seryoso yung gobyerno natin sa pagreresolba ng mga problema, hindi lang dapat piso yung ibigay. Kahit limang piso kulang pa eh.”
Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng pagbabalanse naman ng pagtaas sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon at para naman sa hanay din ng mga komyuter.
“Dahil yung nakabubuhay na kita ng mga driver sa kasalukuyan ay hindi sasapat. Kung ang manggagawa nga na mamamayan na hinihingian namin ng dagdag pamasahe, ay nahihirapan din. Kaya't kailangang balansehin, tingnan din,” saad niya.
Paliwanag pa niya, “ At sa ngayon ay kailangan naming ipaunawa sa mga mamamayan, na ang pinagkukunan namin ng nakabubuhay na kita ay ang mamamayan, hindi ang gobyerno.”
Matatandaang noong Miyerkules, Marso 18, nang inanunsyo ni PBBM ang pagpapasupinde sa fare hike.
“Alam n’yo po paggising ko kaninang umaga, nakita ko ‘yong mga headline [sa balita] at ang pinag-uusapan ay ‘yong naaprubahang fare hike para sa ating mga nagpapasada,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Sa aking palagay, dahil nga, may problema pa rin tayo dahil sa giyera sa Middle East ay sabi ko, ‘Siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan,’”
Dahil dito, ipinag-utos daw niya sa DOTr na huwag munang ituloy ang taas-presyo ng pamasahe para sa taumbayan.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!
Samantala, nitong Huwebes din, nang ikasa ng PISTON ang kanilang malawakang tigil-pasada bilang pagpapakita ng kanilang pag-alma sa hindi umano pag-aksyon ng pamahalaan sa patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.