MAY P35 bilyon pa ring pork barrel funds ang nakasingit o nakapalaman sa P4.1 trilyong national budget para sa 2020. Sa isusumiteng pambansang budget ng Malacañang sa Kongreso, hiniling ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga senador at kongresista na isumite na nila ang listahan ng mga proyekto at programa na pagkakagastahan.

Ayon sa report, magkakaloob ang DBM ng “pork barrel” o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng tig-P100 milyon sa bawat kongresista at P200 milyon naman sa bawat senador. Sa P100 milyon ng kongresista, ang P70 milyon ay para sa tinatawag na “hard projects”, tulad ng multipurpose buildings at road construction. Ang P30 milyon naman ay para sa tinatawag na “soft programs,” gaya ng mga ayuda sa gamot at edukasyon.

Sa panig ng mga senador na may tig-P200 milyon bawat isa, ang P100 milyon ay para sa “hard” at ang isa pang P100 milyon ay para sa “soft projects.” Dasal ni Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera, sana ay hindi masilid lang sa malalaking bulsa ng mga mambabatas ang gayong halaga.

May 305 miyembro ng House of Representatives (HoR) kung kaya ang alokasyon ng DBM sa kanila ay P30.5 bilyon at ang 24 senador ay may P4.8 bilyon. Samakatwid, ang kabuuang alokasyon sa mga kasapi ng dalawang kapulungan ay tumataginting na P35.3 bilyon.

Hintayin at abangan natin kung ano ang magiging aksiyon tungkol dito ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mahigpit na “kaaway” ng PDAF o pork barrel na ugat daw ng kurapsiyon. Si Sen. Ping ay hindi kumukuha ng P200 milyon kada taon sapul nang nahalal na senador.

oOo

Hindi ura-urada na magrerekomenda ang Department of Health (DoH) na ibalik ang paggamit ng dengvaxia vaccine kahit nagdeklara na ito ng pambansang epidemya sa dengue. Noong 2017, ipinatigil ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga batang mag-aaral matapos ihayag ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer nito, na posibleng maging dahilan ito ng grabeng sintomas sa mga hindi nagkaka-dengue. Nagsagawa ng forensic tests ang Public Attorney’s Office (PAO), at sinabing sa kanilang pagsusuri, dengvaxia vaccine ang dahilan ng kamatayan ng mahigit 100 bata na binakunahan.

Ayon kay Health Usec. Eric Domingo, umapela ang Sanofi Pasteur na bawiin ng DoH ang rebokasyon ng certificate of product registration nito para muling gamitin ang dengvaxia. Sinabi ni Domingo na dapat munang makumpleto ang dokumentasyon at final report ng pag-aaral bago pahintulutan ng gobyerno ang paggamit ng dengvaxia. Naniniwala siyang sa ngayon, hindi dengvaxia ang tugon o solusyon sa epidemya ng dengue sa bansa.

Tidbits: Sinabi ni Quezon City Rep. Christopher Belmonte na ang paghahayag ng katotohanan ay hindi labag sa batas. Sa privilege speech, sinabi ni Belmonte, House deputy minority leader at secretary-general ng Liberal Party, na ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi maituturing na “inciting to sedition.” Malinaw na ang talumpati niya ay depensa kay Vice Pres. Leni Robredo na nahaharap sa kasong sedition, libel at kasong kriminal dahil sa pagsasalita hinggil sa usapin ng EJK, pagpayag na mag-imbestiga ang UN Human Rights Council tungkol sa blood drug war ng Duterte administration atbp.

oOo

Ngayon ay Buwan ng Wikang Pambansa na kung tawagin natin ay Filipino. Sana ay tumulong ang may naiintindihan sa sariling wika na maitama o maiayos ang maliwanag na pagkakamali (maaaring hindi sinadya) ng mga kaibigang mamamahayag sa paggamit o pagbigkas ng mga salitang Tagalog o Filipino. Ang pagbabalita ay hindi lamang impormasyon kundi ito ay isa ring edukasyon upang hindi mailigaw ang mga nakikinig o bumabasa sa tamang gamit. Hindi ito pagdudunung-dunungan o pagyayabang na mas marunong ka kaysa iba. Halimbawa ay ang palasak na paggamit ng “Maliban” gayong ang dapat gamitin ay “Bukod.”

-Bert de Guzman