IPANANGANGALANDAKAN ng pamahalaan at ilang malalaking kumpanya sa sektor ng imprastruktura ang pagbubukas ng malalaking road networks sa bansa nitong mga nakaraang araw.
Namamayagpag sa mga pahayagan, telebisyon at social media ang mga larawan ng mga bagong bukas na road networks, tulad ng Cavitex C5 Link Flyover at Skyway 3 Section 1 na inaasahang magpapaluwag ng traffic sa maraming lugar sa Kalakhang Maynila.
Tulad ng dati, kanya-kanyang ‘epal’ ang mga bossing ng mga kumpanya na nagpondo at nagtayo ng mga dambuhalang imprastruktura sa kaliwa’t kanang ribbon-cutting ceremony.
Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang mga ngiti habang nakatutok ang camera.
Hindi n’yo ba alam na malaki ang babayaran ng mga mamamayan sa paggamit ng mga imprastrukturang ito?
Oo nga’t sa mga susunod na araw ay libre pa rin ang paggamit subalit ito’y pansamantala lamang. Kumbaga ‘patikim’ lang.
At dahil excited lahat na maunang makadaan sa mga pasilidad na ito, kanya-kanyang selfie ang mga mokong na motorista na walang kamuwang-muwang na nagmimistula silang advertisement o anunsiyo para mahikayat ang iba na tangkilikin ang mga ito.
Maganda sana kung meron kayong matatanggap na talent fee.
Pero sa tingin namin, kahit mamuti pa ang mga mata n’yo sa kahihintay ay wala kayong mapapala.
Hintayin n’yo ang ilang araw at bubulaga na lang sa ating lahat ang toll fee na itatakda para sa paggamit ng mga naturang pasilidad.
Marami pang ginagawang kahalintulad na road network at halos lahat ng mga ito ay pagmamay-ari ng mga pribadong kumpanya at dapat magbayad ang mga motorista kapag daraan sa mga ito.
Pamahal nang pamahal ang gastusin sa paggamit ng mga tollway sa bansa.
Pero kung inyong mapapansin, walang tollway sa rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Bakit ganoon? Hindi yata patas ang labanan.
Mantakin n’yo, kapag dumaan kayo sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) as siguradong limas ang P1,000 sa isang balikang biyahe.
Oo nga’t maginhawa at ligtas ang biyahe sa mga tollway, subalit mayroon tayong nakababahalang katanungan: Wala ba tayong ibinabayad na buwis upang makapagpatayo ng mga ganitong kalsada na walang bayad kapag daraanan natin?
Ang nakapagtataka, wala ring consumer group na kumukuwestiyon sa mga tollway management kung bakit ganun kamahal ang toll fee.
Kung ano ang isinubo sa atin na toll fee, nilulunok na lang natin ito na walang tanung-tanong.
Ganito na lang ba talaga ang sistema ngayon? Kawawa naman ang mga Pinoy.
-Aris Ilagan