PATULOY sa pamiminsala ang dengue sa maraming lugar ng Pilipinas. Nagdeklara na si Health Sec. Francisco Duque III ng national alert upang paalalahanan ang mga mamamayan tungkol sa pag-iwas sa dengue na dala ng isang uri ng lamok.
Itinatanong ng ating mga kababayan na kung hindi raw ba naging kontrobersiyal at sensasyonal ang isyu tungkol sa Dengvaxia vaccine na isinisi ng Public Attorneys Office (PAO) sa pagkamatay (hindi pagkasawi) ng mga batang naturukan nito, baka raw hindi ganito kalala ang dengue cases na kung hindi masusugpo ay maging isang epidemya.
Ano ba ngayon ang gamot o bakuna sa dengue dahil bawal na ang Dengvaxia?
Bunsod ng dumaraming bilang ng kaso ng dengue sa bansa, binigyang-diin ni Sen. Nancy Binay noong Huwebes ang kahalagahan ng gampanin o role ng local government units (LGUs) para mapigilan ang paglaganap ng dengue virus.
Sa Cavite, nagdeklara si Gov. Jonvic Remulla ng isang province-wide dengue outbreak at state of calamity para payuhan ang mga Caviteno na kumilos at gumawa ng mga hakbang upang masugpo ang dengue.
Sa Iloilo, pinulong ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. ang Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council kasabay ng pagkukumagkag ng mga district hospital at rural health center sa pag-ayuda sa dumaraming pasyente ng dengue. Idedeklara rin ang state of calamity rito.
Sa Bicol region, sinabi ng regional office ng Department of Health na 30 pasyente ang namatay sa may 2,660 kaso ng dengue mula noong Enero 1 hanggang Hulyo 13,2019. Ayon kay Dr. Aurora Teresa Daluro, DoH regional epidemiologist, ang rehiyon ay nakapagtala ng 84% pagtaas sa dengue deaths kumpara sa pagkamatay ng 17 katao noong nakaraang taon. Kalimitan sa biktima ng dengue, ayon kay Daluro, ay mga batang may edad 11 hanggang 15.
oOo
Para kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, hindi puwedeng ma-invoke ng gobyerno ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa US upang pilitin ito na salakayin ang China at itaboy sila sa West Philippine Sea.
Ayon sa mahigpit na kritiko ni Pres. Rodrigo Roa Duterte tungkol sa isyu ng WPS at pag-okupa ng kinakaibigan niyang China ni Pres. Xi Jinping, maaaring isang biro lang ng Pangulo ang pahayag niyang ma-invoke ang MDT at hilingin sa US na ipadala ang Seventh Fleet nito sa karagatan ng South China Sea-WPS para harapin ang hamunin ang puwersa ng China.
Saad ni Carpio: “Palagay ko ay nagbibiro lang ang Presidente, tulad ng kanyang jetski joke. Alam ng Pangulo na maaari lang ma-invoke ng PH ang PH-US Mutual Defense Treaty kapag may armadong pagsalakay sa teritoryo ng Pilipinas o sa Philippine military ships at aircraft. Hindi pa ito nangyayari.”
-Bert de Guzman