Walong Chinese national ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) na dinukot, tinorture at sapilitang pinagbabayad sa kanilang mga utang sa sugal, sa Las Piñas City.

Ayon kay NBI Assistant Director Eric Distor, naaresto sa operasyon ang isang Pilipino at walong Chinese na sakot sa pagdukot ng mga kapwa Chinese na biktima.

Kinilala ni Distor ang mga naarestong Chinese na sina Ben Tan, Haitao Wang, Dechun Qin, Yong Fei Chan, Xiao Qiang Yang, Dong Zheng Wen, Beijun Lin, at Jung Wang, na lahat ay pumasok sa bansa sa pamamagitan ng tourist visa. Habang arestado rin ang Pinoy na si Jomar Lozada.

Nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng NBI Criminal Intelligence Division (NBI-CRID) nitong Hulyo 11 sa isang bahay sa Las Piñas City kung saan itinago ang mga biktima.

VP Sara, FPRRD, pinilahan umano ng 40,000 katao sa kanilang Pamasko sa Davao City

Nakuha sa operasyon ang dalawang handgun, mga cellphone at pera.

Ayon kay NBI-CID Chief Sixto Comia, dinukot ang mga biktima matapos umanong bigong makapagbayad ng utang sa sugal.

“Marami na po ang kasong ito na mga Chinese na nagka-casino dito sa Pilipinas ay pinapautang po nila pag natalo,”paliwanag ni Comia.

“Pag natalo ulit at hindi nakabayad dinodoble po nila singil o mas malaki pa at ang karaniwan pong bayaran,” dagdag pa niya.

Ilan sa mga biktima, aniya, ang tinorture at kinukuhanan ng mga litrato na ipinadadala sa pamilya ng mga biktima upang mapilitan ang mga ito na magbayad.

Natunton umano ng NBI ang lokasyon ng mga biktima matapos payagan ang isang biktimang Chinese na gumamit ng mobile phone at patagong binuksan ang GPS na ipinadala sa asawa nito.

-JEFFREY G. DAMICOG