ILANG taon na ring tinitiis ng mga motorista ang matinding trapik hindi lamang sa EDSA ngunit maging sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila tulad ng Carlos P. Garcia Highway (C-5 Road), Roxas Blvd. at maging sa Sergio Osmena Highway.
Ang matinding trapik na ating nararanasan halos buong araw, ay bunsod ng kaliwa’t kanang konstruksiyon ng iba’t ibang imprastraktura na minamadali ng gobyerno.
Andyan ang pagkukumpuni ng extension ng mga highway, bagong tulay, road widening at iba pa.
Konting tiis pa, amigo. Magbubunga na rin ng maganda ang ating pagtitiis at pakikipagkooperasyon sa gobyerno.
Sa susunod na dalawang linggo, inaasahang mabubuksan na para sa mga motorista ang Section 1 ng Skyway 3.
Daraanan nito ang mga lugar ng Pasay, Makati at Maynila. Medyo maikli lamang ang haba ng bahaging ito ng Skyway 3 subalit malaking bagay na ito para sa mga motoristang magtutungo at manggagaling sa Maynila.
Kapag ganap na nakumpleto, ang Skyway 3 ang magdurugtong sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX). Sa kasalukuyan, inaabot ng halos dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe mula Pasay City hanggang Balintawak kung daraan sa EDSA o gagamitin ang ruta sa Maynila.
Walang kawala sa trapik ang motorista dahil sa dami ng sasakyan sa Kalakhang Maynila.
Sa pamamagitan ng Skyway, inaasahang aabutin na lang ng 40 minuto ang biyahe sa dalawang tollway na ito.
Pero marami pa rin ang nangangamba kung magkano aabutin ang toll fee sa paggamit ng Skyway 3. Sa kasalukuyan, inaabot sa P72 ang toll fee ng Skyway mula Magallanes hanggang Bicutan, Paranaque.
Ganyang kamahal ang gastusin kapag dumaraan sa Skyway subalit, ayon sa ilang motorista, sulit naman ito dahil nakaiiwas sa trapik.
At kung hindi rin maaayos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng mga traffic enforcer ng iba’t ibang lokal na pamahalaan, matinding trapik din ang babagsakan ng mga motorista mula sa mga on-ramp ng Skyway 3.
Ito ang dahilan kung bakit bumulaga sa mga rider ang bagong traffic advisory ng Skyway management na ipinaskil sa Sales Bridge na nagdurugtong sa Fort Bonifacio at Villamor Airbase.
Nakasaad sa billboard na simula July 22, 2019, hindi na maaaring dumaan ang mga motorsiklong may makinang bababa sa 400cc sa kahabaan ng Osmena Highway.
Marami ang nagtatanong kung anong kumpanya o ahensiya ng pamahalaan na may hurisdiksiyon sa Osmena Highway.
Ito ba ay sakop ng MMDA, local government unit, o Skyway management.
Pakilinaw lang po?
-Aris Ilagan