NANG minsan pang lumutang ang pagsusulong ng panukala hinggil sa muling pagpapatupad ng death penalty, gusto kong maniwala na ito ay hindi na maituturing na ādead on arrivalā sa plenaryo ng Senado. Sa pagkakataong ito, dalawang bagitong Senador ā sina Senators-elect Ronald dela Rosa at Christopher Lawrence āBongā Go ā ang determinadong maghahain ng panukalang-batas tungkol sa pagpapabalik ng parusang kamatayan.
Hindi paman nailuluklok bilang mga mambabatas, laging binibigyang-diin nina Dela Rosa at Go na ang death penalty ay isang epektibong batas sa pagsugpo ng karumal-dumal na krimen. Bagamat may bahagyang pagkakaiba ang diwa ng kanilang mga panukala, naniniwala akong ito ay nakatuon sa paglipol ng mga salot sa komunidad. Nais ng dating Philippine National Police Director General na death penalty ang dapat ihatol sa mga nag-iingat ng minimum na isang kilo ng illegal drugs, kabilang na ang drug trafficking. Nais naman ni Go na bitayin sa pamamagitan ng lethal injection ang sangkot sa illegal drugs at corruption, tulad ng pagwawaldas ng salapi ng bayan.
Nakalulungkot gunitain na ang paghahain ng death penalty bill noong nakalipas na Kongreso ay mistulang ibinabasura ng mga mambabatas. Simula nang ito ay pinawalang-bisa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ang death penalty ay binaklas na sa ating Penal Code. Ang naturang presidential action, sa aking pagkakatanda, ay bunsod ng sinasabing pagsunod ng naturang Pangulo sa kumpas ng Vatican.
Ang nabanggit na desisyon ay ipinagbunyi ng ibaāt ibang religious groups, lalo na ng Simbahang Katoliko. Laging iminamatuwid ng mga ito na tanging ang Maykapal lamang ang dapat bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha ā hindi ng sinuman sa pamamagitan ng lethal injection o pagbitay.
Maaaring makasarili ang aking pananaw tungkol sa naturang isyu, subalit matindi ang aking paniniwala na ang death penalty ay napatunayang hadlang sa nakakikilabot na krimen, lalo na ang mga sangkot sa illegal drugs. Lagi nating tinutukoy ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad kay Lim Seng na nahatulan ng bitay sa kanyang pagiging drug lord.
Bagamat hindi tinukoy ng nabanggit na mga Senador ang ibaāt ibang krimen, naniniwala ako na kabilang sa mga ito ang nakakikilabot na mga krimen na tulad ng pagpatay, panggagahasa, pagkidnap at iba pa. Ang sinumang sugapa sa droga ay pumapatay at nanghahalay ng mismong mga laman nila. Ang katulad nilang mga kriminal ay hindi dapat makaligtas sa death penalty na dapat muling ipatupad.
-Celo Lagmay