Pinal nang ibinasura ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ni Albay Rep. Edcel Lagman na kumukuwestyon sa legalidad ng ikalawang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.

Sa tatlong pahinang resolusyon ng Supreme Court en banc, na may petsang Hunyo 4, 2019, ipinaliwanag ng kataas-taasang hukuman na “moot and academic” na ang usapin dahil nadesisyunan na ito noong Pebrero 6, 2018.
Paglilinaw ng hukuman, wala rin silang ibang nakitang bagong argumento sa mosyon.
Sa naunang ruling ng SC, nakitaan ng sapat na basehan upang mapagtibay ang inisyung resolusyon ng mataas at mababang kapulungan ng kongreso sa ilalim ng Article 4.
Ayon sa SC, ang Article 4 ay nagpapahaba sa Proclamation No. 216 series of 2017 o ang Martial Law na nauna nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Rehiyon ng Mindanao kasabay ng pagsuspinde ng writ of habeas corpus mula Enero 1, 2018-Disyembre 31, 2018 dahil sa kagulahan at terorismo sa Mindanao.
-Beth Camia