Muling itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra bilang officer-in-charge ng bansa habang siya ay nasa Bangkok, Thailand.

Dadalo ang Pangulo sa 34th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit, mula Hunyo 21, hanggang sa araw ng Linggo, Hunyo 23.
Sa Special Order Number 631 na nilagdaan ng pangulo at ni Executive Secretary Salvador Medialdea na may petsang Hunyo 20, inatasan nito si Guevarra na pangasiwaan ang bansa habang wala ang punong ehekutibo.
Magugunitang si Guevarra din ang itinalagang caretaker ng bansa noong nakaraang biyahe ni Pangulong Duterte sa Japan.
-Beth Camia