Pumanaw na ngayong Huwebes ng hapon ang premyadong actor-director na si Eddie Garcia. Siya ay 90 anyos.

Eddie Garcia

Eddie Garcia

Ito ang kinumpirma sa medical bulletin na ipinalabas ng tumatayong tagapagsalita ng kanyang pamilya, si Dr. Antonio Rebosa, ng Makati Medical Center.

Ayon sa medical bulletin, pumanaw ang aktor bandang 4:55 ng hapon ngayong Huwebes.

Tsika at Intriga

Rendon kay Yanna: 'Muka kang mabango pero ang baho naman ng ugali mo!'

Sumakabilang-buhay ang aktor 12 araw makaraan siyang ma-comatose matapos na maaksidente sa taping ng bago niyang teleserye sa GMA-7, ang “Rosang Agimat”, nitong Hunyo 8, 2019, sa Tondo, Maynila.

Batay sa video na kumalat isang araw matapos ang aksidente, napatid sa kable si Eddie habang kinukuhanan ang isang action scene.

Nagtampo ng severe cervical fracture sa leeg ang aktor, na inilipat sa Makati Medical Center makaraang isugod sa Mary Johnston Hospital, malapit sa location set.

Ilang araw na ang nakalipas nang kinumpirma ng ospital na pumayag ang pamilya ng aktor na isailalim sa “do not resuscitate” o DNR status si Eddie, na nangangahulugan hindi na ito bibigyan ng CPR sakaling tumigil sa paghinga.

Ang huling pelikula ni Eddie, ang “Rainbow’s Sunset”, na kabilang sa mga entries sa Metro Manila Film Festival 2018, ay nagbigay sa kanya ng mga pagkilala sa pagganap niya bilang bading na padre de pamilya, na umamin sa kanyang pamilya tungkol sa kanyang kasarian at sa tunay niyang minamahal. Nanalo siyang Best Actor sa 52nd Annual WorldFest sa Houston, Texas, sa nasabing pagganap.

Noong nakalipas na buwan, binigyang parangal si Eddie ng PMPC Star Awards bilang isa sa 12 “Mga Natatanging Bituin Ng Siglo”.

Simula nang mapanood sa una niyang pelikula na “Siete Infantes de Lara” noong 1949, tuluy-tuloy sa pagganap sa mga pelikula at teleserye si Eddie, kabilang ang “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon” (1976), “Death Row” (2000), “Bwakaw” (2012), at “ML” (2018); at napanood din sa top-rating serye ng ABS-CBN na “FPJ’s Ang Probinsyano”.

Nakatanggap na rin siya ng ilang parangal sa husay niya bilang direktor.

Inulila ni Eddie ang partner niya sa nakalipas na 33 taon na si Lilibeth Romero, stepson niyang si Nikki Romero, at anak na si Lisa Ortega.

Jet Navarro-Hitosis