Nawalan ba ng kuryente sa lugar n’yo kanina?

Dahil sa pagsadsad ng reserbang kuryente, ilang lugar sa Luzon grid ang nagulantang sa panibagong isang-oras na brownout ngayong Martes.
Ayon sa Manila Electric Company (Meralco), nagsimula ang manual load dropping (MLD) o rotating brownouts bandang 1:19 ng hapon sa mga bayan ng Malolos at Tabang sa Bulacan.
Dakong 2:00 ng hapon, kumalat na rin ang brownout sa iba pang bahagi ng Bulacan, kabilang ang Hagonoy, Malolos City, Plaridel, Balagtas, Meycauayan, at Marilao; at nakaapekto na rin sa Metro Manila, partikular sa mga siyudad ng Caloocan, Malabon, at Navotas.
Ang rotating brownouts ay kasunod ng deklarasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng “red alert” sa Luzon grid dahil sa kakaunting reserba—na nangyari ng 10:01 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga; at sinundan bandang 1:00 ng hapon hanggang 3:00 ng hapon.
-Myrna M. Velasco