Magsasagawa bukas ng protest caravan ang isang grupo ng transport network vehicle service o TNVS operators at drivers laban sa pagde-deactivate ng Grab Philippines ng 8,000 unaccredited units nito.

GRAB

Ito ang inihayag ngayong Lunes ng mga lider ng Metro Manila Hatchback Community sa isang press conference, ilang araw makaraang ihayag ng Grab na aalisin na nito ang mga TNVS providers na hindi nakakumpleto ng mga requirements para sa accreditation sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Daan-daang apektadong Grab drivers ang inaasahang makikilahok sa protest caravan sa harap ng TNVS Assistance Program Center ng Grab at sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City, bukas ng umaga, kasabay ng nakatakdang hearing ng Grab sa ahensiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagpalabas ang LTFRB ng show-cause order laban sa Grab upang ipaliwanag ang status ng deactivation nito, at tugunan na rin ang mga reklamo sa kabiguan umano nitong magpatupad ng 20% diskuwento sa pasahe sa mga estudyante, senior citizens, at may kapansanan.

Sinabi naman ni Hatchback Community Chairman Leonardo De Leon, na hihiling din sila ng dayalogo sa LTFRB kaugnay ng pahirapan umanong proseso sa pagkuha ng Certificate of Public Convenience (CPC).

“Many TNVS operators and drivers are having difficulties in complying with the requirements set by the Board chaired by Atty. Martin Delgra. These requirements lead to dismissals of CPCs resulting in financial losses to operators, deactivation, and less cars to serve the riding public,” saad sa pahayag ng grupo.

Samantala, nanindigan din ang Grab na itutuloy nito ang deactivation ng 8,000 units nito, pero hinimok ang mga matatanggal na driver na mag-reapply dahil magbubukas ng mga bagong slots ang ride-hailing service.

“Deactivation will proceed as scheduled on Monday, June 10. LTFRB’s directive to deactivate colorum TNVS is clear and Grab has to strictly abide by it,” sinabi ngayong Lunes ni Grab Philippines Public Affairs Manager, Atty. Nicka Hosaka.

-Alexandria San Juan