Nakahanda si Senate President Vicente Sotto III na isuko ang pagkapangulo kung hihilingin ng mga senador na magkaroon ng pagbabago ng liderato sa Senado.

Paliwanag ni Sotto, kahit pinatatag na ang pagkapangulo nito sa pagbubukas ng 18th Congress, wala siyang magiging problema sa nasabing scenario basta makapag-ipon lamang ng kahit 13 na boto ang mga kasamahan nito upang makuha ang naturang posisyon.
“Tayo naman ay walang problema kung mayroong senador na makakuha ng 13 votes at siya ay iuupo as Senate president at papalitan ako. It’s up to them. Hindi tayo, hindi ako, ika nga, kapit-tuko. Pakita mo sa akin ‘yung seven signatures mo at ako ay madaling mag–re resign. Ibibigay kaagad natin iyon,” pagdidiin nito.
Gayunman, naniniwala ito na marami pa rin sa mayorya ang susuporta sa kanya upang mapanatili ito sa pagkapangulo.
Kinakailangan lamang ni Sotto ang 13 sa 24 na senador upang mapanatili ito sa kanyang posisyon sa 18th Congress.
Pagdidiin nito, sumusuporta pa rin sa kanya ang mga senador na miyembro ng minorya.
“Oo nga, mga kaibigan natin sila (minority senators). Binibiro nga ako ni Frank (Drilon) nung una, sabi niya, ‘Gusto sana namin bumoto sa iyo kaya lang ma-abolish ang minority. Nagbibiro si Frank ng ganun,” ayon pa kay Sotto na ang tinutukoy ay si
Senate minority leader Franklin Drilon.
-Hannah L. Torregoza