Isang 14-anyos na lalaki ang naaresto ng mga awtoridad ngayong Linggo ng madaling araw, sa Barangay Buting, Pasig City, matapos siyang ituro na tumangay umano sa motorsiklo ng isang lalaki.

TEEN

Hindi na ibinunyag ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng binatilyong suspek, na kakasuhan ng carnapping, sa reklamo ng biktimang si Darius Meneses, 40, residente sa naturang barangay.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong 2:45 ng umaga ngayong Linggo nang maaresto ang suspek sa BCEO Outpost, sa San Guillermo Avenue, malapit sa Buting Bridge, sa Bgy. Buting.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Nauna rito, inireklamo ni Meneses sa pulisya, dakong 3:30 ng hapon nitong Miyerkules, ang hindi pa niya noon kilalang lalaki na tumangay sa kanyang itim at asul na SYM Mitsukoshi Bonus 110 (BF-62267).

Ayon kay Meneses, ipinarada lang niya ang kanyang motorsiklo sa harapan ng kanyang bahay sa Bgy. Buting, ngunit nang balikan niya ito dakong 3:40 ng umaga ay wala na ito.

Sa CCTV footage mula sa kapitbahay ni Meneses, makikita ang isang lalaking payat at mahaba ang buhok na nagtutulak sa motorsiklo palayo sa lugar.

Nakilala naman ng mga awtoridad ang suspek, batay sa kuha ng CCTV footage, kaya kaagad itong inaresto at dinala sa presinto.

Inamin naman umano ng suspek na siya ang kumuha sa motorsiklo, na nabawi ng mga awtoridad sa J.P Rizal Street sa East Rembo, Makati City.

Ililipat na ang binatilyo sa kustodiya ng Women’s and Children’s Protection Division para sa kaukulang disposisyon.

-Mary Ann Santiago