MPBL, naglatag ng ‘allowance cap’ para manatiling ‘amateur league’

TILA iniiwasan ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na mapasailalim ng Games and Amusement Board (GAB).

Bilang aksyon na mapanatiling ‘amateur’ ang liga, ipinahayag ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang pagpaaptupad ng ‘allowance cap’ sa lahat ng players simula s aikatlong season.

Sa isinagawang team owners and managers meeting kahapon sa Century Park Hotel, itinakda ng liga ang pagkakaroon ng ‘allowance’ na hindi bababa sa P15,000 at hindi lalagpas sa P50,000.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Yun ang nasa guidelines natin. Kailangan nating manatiling amateur league,” pahayag ni Duremdes.

Dalawang taon nang hinahabol ng Games and Amusement Board (GAB) na pinamumunuan ni dating Palawan Governor at Congressman Abraham ‘Baham’Mitra ang MPBL.

Ilang ulit na ring nagpulong ang mga opisyal ng MPBL at GAB hingil dito, ngunit walang aksiyon ang liga na humingi ng sanctioned sa GAB at iparehistro para sa lisensya ang mga players.

Ang GAB ang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa lahat ng professional sports sa bansa, kabilang ang MMA, boxing, e-sports at PBA.

Ngunit, tulad ng ilang volleyball tournament sa bansa na may naglalaro pang import, nagmamatigas ang MPBL sa katayuan bilang amateur league.

Wala pang tugon ang GAB hingil sa ‘allowance cap’ ng MPBL.

Ayon kay Duremdes, kailangan umano na sumunod ang mga koponan sa alituntunin ng liga, gayung makakatikim ng parusa ang sinumang hindi tatalima sa nasabing panuntunan.

“If a team is complaining that another team is giving a certain player more than the maximum allowance required, kailangan namin ng black and white proof na yung player ito is receiving yung certain amount na pinirmahan niya,” ayon kay Duremdes.

Kasunod nito, sinabi ni MPBL Chief Executive Senador Manny Pacquiao na maghihigpit din sa panuntunan hinggil sa paglipat ng isang manlalaro buhat sa isang koponan kahit paso na ang kontrata nito.

“Kailangan may release paper siya sa mother team niya,” aniya.

“Iniiwasan natin dito yung sulutan,” ani Pacquiao.

-Annie Abad