Paborito mo rin ba ang Adobo? Safe naman kaya ang toyong gamit mo?
Susuriin na rin ng Philippine Nuclear Research Institute ang mga brands ng toyo na ibinebenta sa merkado, upang matiyak na ligtas ang mga ito, kasunod ng ulat na may sangkap umanong muriatic acid ang toyo.
Gagamitin ang advanced nuclear technology ng PNRI para malaman kung ang mga patis at toyo ay may synthetic ingredients.
Handa rin namang magsaliksik ang grupo ng Philippine Risk Profiling Project tungkol dito, dahil dapat umano ay dumadaan sa fermentation ang nasabing mga pampalasa.
Nag-ugat ang hakbangin nang napaulat na may ilang gumagawa ng toyo at patis ang gumagamit ng hydrochloric acid o muriatic acid, para mapabilis ang mahabang proseso ng fermentation.
Paliwanag ng grupo, lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao ang nasabing mga kemikal.
Ang pagsusuri sa toyo at patis ay kasunod ng pagtukoy ng Food and Drug Administration (FDA) sa limang brands ng suka na may synthetic acetic acid.
Nitong Martes, sa advisory ng FDA at isinapubliko nito ang paunang listahan ng mga sukang may synthetic acetic acid: ang Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar, Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim, at Chef's Flavor Vinegar.
Nilinaw naman ng FDA na bagamat hindi masama sa kalusugan ng tao ang synthetic acetic acid, ngunit hindi pa rin pinapayagan ang paggamit nito.
-Beth Camia at Mary Ann Santiago