NGAYONG Sabado, Hunyo 8 ay sa SM Megamall ang advance screening ng pelikulang OFW: The Movie na produced ng Active Media Events Production in partnership with OWWA at si Neal ‘Buboy’ Tan ang direktor.

Ang OFW ay isang advocacy film na handog ng Active Media Events Production sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa at sa mga planong magtrabaho pa lang.

“Para ma-inspire ang OFW na hindi lang puro hirap at sakit ang nababalitaan o napapanood nila, dapat i-share rin ang success stories para maging inspirasyon ito sa lahat,” kuwento ng isa sa producer ng pelikula na si Jay-Ar Rosales.

Ibinahagi sa pelikula ang success stories ng limang OFW sa bansang Kuwait, Saudi Arabia, Singapore, Canada at Australia na sa simula ay sobrang hirap ang dinanas nila pero dahil sa sipag, tiyaga at abilidad ay sinuwerte sila at umasenso ang mga buhay.

Tsika at Intriga

Dani Barretto, nang-inis pa lalo sa bashers dahil sa 'garlic tuyo'

Ang mga bida sa pelikula ay sina Sylvia Sanchez na nagtrabaho sa Kuwait bilang domestic helper at pinamanahan nang dalawang milyong Dinar ng amo kaya nakapagpatayo ng sariling beach resort sa Norte na naging negosyo niya ngayon dahil dito na siya nanirahan.

Si Christian Bautista na nagtrabaho sa isang oil company sa Jeddah ay nagtayo naman ng limang gasolinahan sa bayan nila na lahat ng natutunan niya sa ibang bansa ay ginamit niya sa pagpapatayo ng negosyo at dito na rin siya naninirahan.

Kasama sa pelikula si Rafael Rosell na ngayon ay nasa Mindanao at nagtayo ng sariling manpower agency na natutunan niya sa Australia.

Isang nurse naman si Dianne Medina sa Canada at naiayos na niya ang kabuhayan ng mga kaanak niya rito sa Pilipinas pero hindi niya iniwan ang magandang trabaho niya sa nasabing bansa dahil kasama naman niya ang pamilya niya.

Domestic helper din si Kakai Bautista sa Singapore at hindi biro ang dinanas na hirap pero tiniis niya hanggang sa madiskubre siyang entertainer sa nasabing bansa at ngayon ay marami na siyang investment na rin sa Pilipinas, pero hindi niya iniwan ang magandang trabaho sa SG dahil marami rin siyang natutulungang kababayan doon.

Sa ginanap na pocket presscon ng OFW: The Movie ay inamin ni Sylvia na tinanggap niya ang pelikula dahil success story ito ng mga Pinoy sa ibang bansa at ganitong klase ang mga gustong gampanan ng aktres.

Unang beses makatrabaho ni Sylvia si Direk Buboy Tan kaya tinanong ang aktres kung okay lang sa kanya ang karanasan.

“Hindi kasi ako ‘yung tipo ng artista na namimili kasi ako dumaan din ako bilang first time artista sa mga direktor ko noon. Paano kung hindi pala nila ako binigyan ng chance noon, e ‘di wala ako ngayon,” kuwento ni Sylvia.

“Naniniwala ako na lahat ng first time o baguhan ay kailangang bigyan ng chance. Wala akong arte na first time kong makatrabaho ang direktor, basta alam niya ang ginagawa niya.

“Saka ako kasi ‘yung artista na kinakausap ko ‘yung direktor at tinatanong ko kung ano ang gusto niya, anong role ko, anong gusto mong i-portray ko. Tapos sinasabi ko rin ‘yung gusto ko like may collaboration. Ito ‘yung gusto kong irate, ganito ‘yung gagawin, mga ganu’n, meet halfway kami kaya nagkakaintindihan kami.”

Nabanggit din ng aktres na hindi siya kumportable kapag ang direktor ay palasigaw at nagmumura sa set.

“Hindi kasi ako makapag-concentrate kapag ang direktor ko naninigaw o nagmumura. Hindi naman naiiwasan ‘yung ganu’n, pero hindi naman ‘yung the whole time puro sigaw ang maririnig mo,” pag-amin ni Ibyang.

“gusto ko si Direk Buboy kasi binigyan niya ako ng freedom. Hindi ‘yung step 1 ito gagawin mo, step 2 ganito, ayaw ko ng ganu’n. I’m not saying na magaling na magaling ako but since tinanggap ko ang role na ito, alam ko kung ano ang gagawin ko alam ko, kung ano ‘yung character ko kasi pinaghahandaan ko.”

Napangiti naman si Sylvia sa tanong namin kung may mga naging direktor siyang sinasabihan siya ng step 1, step 2 at iba pa.

“Mayroon, pero huwag nang alamin,” sabi sa amin.

Anyway, ang iba pang kasama sa OFW: The Movie ay sina Uno Santiago, Helga Kraft, Regine Angeles, Mark Neumann, Dave Bornea, at Kate Brios.

-Reggee Bonoan