NAGBABALIK si coach Tab Baldwin bilang bahagi ng Gilas Pilipinas program.
Ang dating head coach ng national men’s team ay itinalaga bilang program head ng Gilas Pilipinas Youth.
Ito ang isiniwalat ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio noong Miyerkules ng gabi kasabay ng paglalabas ng bagong logo ng SBP at ng Gilas program.
“We will appoint Tab Baldwin as the program director for Gilas Pilipinas Youth,” wika ni Panlilio.
Huling naupo si Baldwin bilang mentor ng Gilas Pilipinas noong 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Manila.
Nilinaw naman ni Panlilio na mananatili pa rin si Sandy Arespacochaga bilang national youth team head coach.
Bukod kay Baldwin, itinalaga rin si Gilas head coach Yeng Guiao bilang program head ng men’s team, si long-time women’s coach Patrick Aquino para sa kabuuang programa ng women’s team at si Ronnie Magsanoc para sa 3×3 program.
Na-appoint naman si Jong Uichico bilang direktor ng SBP Academy -Coaches and Tournaments, at si Atty. Rebo Saguisag bilang head ng SBP Academy – Referees & Table Officials.
Ayon pa kay Panlilio, lahat ng national teams magmula sa Men’s Team hanggang 3×3 ay dadalhin ang bansag na Gilas.
Ang women’s team na dating Perlas Pilipinas ay magiging Gilas Pilipinas Women’s;ang youth team ay magiging Gilas Pilipinas Youth buhat sa dating Batang Gilas; at ang 3×3 naman ay tatawaging Gilas Pilipinas 3×3.
-Marivic Awitan