Nahaharap ngayon sa kaso sa Sandiganbayan ang isang opisyal ng Tanjay Water District sa Negros Occidental dahil sa umano’y maanomalyang cash advance nito na nagkakahalaga ng P321,300, noong 2008.

Si Tanjay Water District vice chairman Jovencio Bumanglag ay kinasuhan ng 16 counts ng paglabag sa Article 218 ng Revised Penal Code (Failure of Accountable Office to Render Accounts) sa 3rd Division ng anti-graft court.
Ang kaso ay kaugnay ng pagtanggap ni Bumanglag ng cash advance para sa mga dinaluhang pagpupulong sa Local Water Utilities Administration (LWUA) at LWUA Water District (WD) sa Maynila, mula Hunyo 2008 hanggang Marso 2012.
Sa reklamo, ginamit din umano ni Bumanglag ang pondo sa pagtungo nito Philippine Association of Water Districts (PAWD) Convention sa Cebu City, Philippine Water Works Association (PWWA) 29th General Assembly sa Maynila, at Consultative Hearings kaugnay ng House Bill No. 5210 sa Cebu City.
Gayunman, matapos ang mga biyahe nito, nabigo umano si Bumanglag na magsumite ng liquidation papers sa Commission on Audit (CoA) sa loob ng 30 araw kaya lumabag ito sa Government Auditing Code of the Philippines (Presidential Decree No. 1445) at COA Circular No. 97-002.
Itinakda naman ng korte ang P96,000 piyansa ni Bumanglag para sa pansamantalang kalayaan nito sa kaso.
-Czarina Nicole Ong Ki