ARAW ngayon ng Paggawa o Labor Day. Kumusta na ang mga manggagawang Pilipino sa kasalukuyan? Natupad ba ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pangako sa kanila na tutulungang maiangat ang kalagayan sa buhay? Natuldukan ba niya ang isyu ng tinatawag na “Endo” o end of contractualization, na ipinatutupad ng malalaking kumpanya at establisimyento?

Kunsabagay, sinisikap naman ng Duterte administration na pagkalooban ng trabaho ang mamamayan. Tinutulungan din ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa o ang overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan upang hindi sila abusuhin, bigyan ng tamang suweldo, oras ng pamamahinga at bakasyon.

oOo

Nananatiling mainit ang panahon sa Pilipinas. Tagtuyot pa rin dahil sa kawalan ng ulan mula sa langit. Ang mga pananim ng mga magsasaka ay nangatutuyo sanhi ng pagkadarang ng lupain na kulang sa tubig. Malaki ang pinsala ng El Niño sa mga palayan at maisan.

Ayon sa PAGASA, inaasahang patuloy na daranas ng tagtuyot ang may 16 na lalawigan, at dito ay kasama rin ang Metro Manila, hanggang sa Mayo. Ang mga probinsiya na apektado ng drought o tagtuyot ay Bataan, Cavite, Marinduque, Romblon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Sorsogon, at ang Metro Manila.

Sa Visayas, ang mga lalawigan na apektado ay Aklan, Biliran, Eastern, Western at Northern Samar, at Leyte.

Ayon sa PAGASA, may 41 probinsiya ang sa ngayon ay dumaranas ng tagtuyot. Ang drought na isang matinding kalagayan ng pagkatuyo, ay inilalarawan bilang tatlong magkakasunod na buwan na mababa sa normal (60 reduction sa average) o limang magkakasunod na buwan na mababa sa normal (21 porsiyento hanggang 60 porsiyentong reduction sa average), na walang rainfall o ulan.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, ang pinsala ng El Niño sa sektor ng lokal na agrikultura ay umabot na sa P8 bilyon. Ito ay katumbas ng tinatayang 268,656 metric tons at pinsala sa lupang agrikultural na 277,890 ektarya. Apektado ang may 247,610 magsasaka at mangingisda.

Ang apektadong mga lugar ay Cordilleras, Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga peninsula, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon sa mga report, ang pinsala sa rice o palay ay umabot na sa P4.04 bilyon, apektado ang 144,202 ektarya at production volume na 191,761 metric tons. Ang pinsala sa mais ay P3.80 bilyon, apektado ang 133,007 ektarya na may volume loss na 254,766 metric tons.

Kailangang-kailangan ngayon ng ating bansa ang ulan at tubig. Samahan natin ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na mag-Oratio Imperata upang biyayaan tayo ng langit ng sapat na ulan upang mapawi ang init ng panahon, ang tagtuyot.

Hindi natin kailangan ang pulitika, ang pangako ng mga kandidato na pagkatapos makuha ang boto ng tao ay hindi tutuparin ang ipinangako para sa bayan at sa mamamayan.

-Bert de Guzman