Denver, nakaungos sa San Antonio Spurs sa ‘sudden death’ ng WC playoff

DENVER (AP) — Kulang sa karanasan, ngunit hitik sa tapang ang batang koponan ng Denver Nuggets.

Sa pangunguna ng sentro na si Nikola Jokic, kumana ng triple-double, at rookie Jamal Murray na tumipa ng clutch floater sa huling 36.8 segundo, naisalba ng No.2 seed ang matikas na pagbalikwas ng beteranong San Antonio Spurs para sa 90-86 desisyon sa Game 7 ng Western Conference first-round playoff nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Sa duwelo ng karanasan laban sa kabataan, nanaig ang determinasyon ng Nuggets na umabante ng 17 puntos sa third period, na nagamit nilang sangkalan para maabatan ang paghahabol ng Sours sa final period.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kumana si Jokic ng 21 puntos, 15 rebounds at 10 assists, tampok ang huling bound pass kay Murray na tumipa ng floater para sa apat na puntos na bentahe ng Nuggets. May pagkakataon ang Spurs na maidikit pa ang iskor, ngunit napigilan ni Torrey Craig ang tira ni DeMar DeRozan.

Kataka-takang hindi tumawag ng time-out o nag-foul ang Spurs, sapat para ubusin ng Nuggets ang oras sa dribble.

Mula nang makausad sa Western Conference finals noong 2009, hindi panakalulusot sa first round ang Nugget. Ito ang unang playoff appearance nila sa nakalipas na anim na season.

Haharapin ni Denver ang third-seeded Portland sa Game 1 ng WC second round sa Lunes (Martes sa Manila).

Nag-ambag si Murray ng 23 puntos para sa Nuggets, nagwagi sa Game 7 sa unang pagkakataon mula nang pangunahan ni David Thompson sa naiskor na 37 puntos laban sa Milwaukee Bucks noong Mayo 3, 1978.

Nanguna si Rudy Gay sa Spurs na may 21 puntos, habang tumipa sina DeRozan at Bryn Forbes ng tig- 19 na puntos. Laglag ang Spurs sa 3-4 sa Game 7 sa pangangasiwa ni coach Gregg Popovich.

RAPTORS 108, SIXERS 95

Sa Toronto, hataw si Kawhi Leonard sa natipang career playoff-high 45 puntos at 11 rebounds, para sandigan ang Raptors laban sa Philadelphia Sixers sa Game I ng Eastern Conference second round.

Nag-ambag si Pascal Siakam ng 29 puntos.

Napantayan ni Leonard ang career-best scoring total sa laro noong Jan. 1 kontra Utah. Tumipa siya ng 16 of 22 shots, 3 of 6 sa 3-point range, at 10 for 11 sa free throw line.

Kumubra naman si Kyle Lowry ng siyam na puntos at walong assists sa Raptors na umabante sa 20 puntos tungo sa ikalimang sunod na panalo sa postseason.

Nanguna si Tobias Harris sa Sixers na may 14 puntos at 15 rebounds, habang kumana si JJ Redick ng 17 puntos para sa 76ers. Nalimitahan si Joel Embiid sa 16 puntos at kumana sina Ben Simmons at Jimmy Butler ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.