DAHIL sa pagbagsak ng isang supermarket sa Pampanga, kaagad lumutang ang matinding pangangailangan hinggil sa mahigpit na pagsusuri sa mga gusali hindi lamang sa mga lugar na niyanig ng malakas na lindol, kundi sa iba’t ibang panig ng kapuluan na hindi malayong gulantangin din ng mga
kalamidad. Malakas ang aking kutob na dahil sa magkasunod na 6.1 at 6.5 magnitude earthquake na yumanig sa Luzon at Visayas kamakailan, maaaring may mga gusali na humilig, naglamat at nagtamo ng iba pang kapinsalaan.
Ang gayong nakababahalang situwasyon ang marapat pagtuunan ng pansin ng Department of Public Works at ng mga building officials ng mga pamahalaang panlalawigan, panglunsod at ng mismong mga local government units (LGUs) upang matiyak na ang mga gusali at iba pang istraktura sa kanilang nasasakupan ay nasa mabuti pang kalagayan. Ang pagsusuri sa mga gusali, lalo na sa mga school buildings ay dapat lamang magkatuwang na isagawa ng gobyerno at ng pribadong sektor sa pag-agapay, hangga’t maaari, ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) na pinaniniwalaan kong may sapat na kakayahan sa pagtiyak ng tibay at tatag ng mga gusali.
Nakapanlulumong mabatid, halimbawa, na ang isang gusali ng Emilio Aguinaldo College, ay sinasabing mistulang sumandal sa katabing United Nations Residences. Naging dahilan ito ng sunud-sunod na suspensiyon ng mga klase hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.
Dahil dito, hindi malayo na ang iba pang gusali ay nagtamo rin ng bahagyang paglamat na maaaring pagmulan ng biglang pagbitak. Ito ang dapat pagtuunan sa isasagawang mahigpit na pagsusuri at matapat na pag-inspeksiyon para sa kaligtasan ng ating mga kababayan.
Hindi natin dapat masaksihan ang mga haka-haka na ang napinsalang mga gusali, lalo na ang mga condemned buildings, ay hindi ginigiba at kinukumpuni lamang upang magmukhang bagong gawa. Ang ganito kayang sistema ay nagaganap sa pagsasabuwatan ng mga building officials at ng mismong mga may-ari ng gusali? Ito kaya ang dahilan kung bakit bigla na lamang bumabagsak ang mga istraktura na sinasabing walang structural integrity?
Kailangan ngayon ang puspusan at matapat na pagsusuri sa mga gusali upang matiyak ang tibay at tatag ng mga ito laban sa malalakas na lindol tulad ng yumanig sa Luzon at Visayas. Naniniwala ako na kahit paano, maiiwasan ang mga kapinsalaan, maliban na lamang kung ang kalamidad ay kagustuhan na ng Panginoon, o force majeure, wika nga.
-Celo Lagmay