Tiger Woods, kampeon muli sa Masters matapos ang 14 na taon

AUGUSTA, Georgia (AP) — Mula sa pagiging bayani, naging tampulan ng katatawanan si Tiger Woods.

NAGDIWANG ang crowd sa nagawang birdie shot ni Woods na hindi napigilang mapalahaw matapos makagawa ng bagong kasaysayan sa golf at sa sports sa kabuuan. (AP)

NAGDIWANG ang crowd sa nagawang birdie shot ni Woods na hindi napigilang mapalahaw matapos makagawa ng bagong kasaysayan sa golf at sa sports sa kabuuan. (AP)

Ngunit, tulad sa isang istorya sa takilya, tunay na mabenta sa panlasa ng sambayanan ang tagumpay, kabiguan at pagbabalik sa pedestal ni Woods.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa isang iglap, isang ganap na kampeon – sa ikalimang pagkakataon – sa Masters ang tinaguriang ‘Greatest of All-Time’ sa golf sa kanyang henerasyon.

Naganap ang pagbabalik ni Woods sa madrama at makatindig-balahibong tagpo nang maisalba ang dalawang puntos na paghahabol para muling bigyan ng laya ang kanyang sikat na palahaw nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa harap nang nagbubunying crowd sa Augusta National at milyong manonood sa telebisyon sa buong mundo.

Ito ang unang pagkakataon matapos ang 14 na taon na muling manalo sa Masters si Woods at 11 taon mula nang huling manalo ng major title suot ang pamoosng pulang t-shirt.

Tinapos ni Woods ang laro sa impresibong 2-under 70 para sa isang stroke na panalo na muling naglagay sa kanya sa tugatog ng tagumpay.

Sumalubong sa kanya sa 18 holes at agad na niyakap ang anak na si Charlie – hindi pa ipinapanganak nang makamit niya ang ika-14 major title sa 2008 US Open sa Torrey Pines. Nandoon din ang 11-anyos na anak na babae na si Sam at ilang kaanak at kaibigan na hindi bumitiw sa kanya ng suporta mula sa samu’t saring kontrobersya na kinasangkutan na naging daan para sa paglamlam ng kanyang golfing career at imahe.

“WOOOOOOO!!!” palahaw ni Woods habang papasok sa scoring room sa saliw ng hiyawang “Tiger! Tiger! Tiger” ng crowd – pinakamalaking crowd sa kasaysayan ng Augusta National.

Nakamit ni Woods ang ika-15 major, tatlong titulo ang layo sa record na 18 ni Jack Nicklaus – isa sa maagang bumati sa kanyang tagumpay sa Twitter. Sa kabuuan ng career sa PGA Tour, nasikwat niya ang ika-81titulo – isang titulo ang layo sa matagal nang marka ng namayapang si Sam Snead.

“A big ‘well done’ from me to Tiger,” pahayag ni Nicklaus sa Twitter. “I am so happy for him and for the game of golf. This is just fantastic!!!”

Ito ang unang pagkakataon na nanalo si Woods sa major na naghahabol sa final round, at natulungan siya ng Italian na si Francesco Molinari, ang 54-hole leader na sumabog ang laro sa mapaghamong Amen Corner.

Tumapos si Woods sa 13-under 275 at sa edad na 43, ang pinakamatandang Masters champion mula nang makamit ni Nicklaus ang ikaanim na green jacket sa edad na 46 noong 1986.

Magkakasalo sa ikalawang puwesto sina Dustin Johnson (68), Brooks Koepka (70) at Xander Schauffele (68), habang dalawang stroke ang layo nina Molinari (74) Jason Day (67), Tony Finau (72) at Webb Simpson (70).