Patuloy pa rin sa pag-aalburoto ang Taal Volcano sa Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ito ay nang maitala ang 10 na pagyanig sa nakalipas na 24 oras na pagsubaybay sa sitwasyon ng bulkan.
Isa rin sa senyales ng abnormalidad ng bulkan ang nakitang resulta ng field measurement ng ahensya kung saan tumaas ang water temperature ng main crater nito.
Nakataas pa rin sa Level 1 ang alert status ng bulkan dahil sa patuloy na pag-aalburoto nito.
Matatandaang itinaas ang alert status nito noong nakaraang buwan matapos maitala ang sunud-sunod na pagyanig nito.
Nilinaw ng Phivolcs sa publiko, wala pang nakikitang banta ng pagsabog ang bulkan.
Gayunman, mahigpit pa ring ipinagbabawal ng ahensya ang pagbisita ng publiko sa main crater nito dahil sa posibleng panganib na maidudulot ng biglaang steam explosion ng bulkan.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang hilagang bahagi ng main crater rim nito na nasa bisinidad ng Daang Kastila Trail.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paninirahan sa buong isla ng bulkan dahil sa matagal nang ideklara itong permanent danger zone.
-Ellalyn De Vera-Ruiz