Dinampot ng National Bureau of Investigation ang dalawang inaakusahang sangkot sa investment scam, makaraang tangayan umano ang mahigit P14 milyon ng kanilang nabiktima.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na sina Edgardo Lacson at Abegail Lacson.

Inaresto ng mga tauhan ng Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) ng NBI ang mga suspek sa entrapment operation sa isang restaurant sa Makati City, nitong Martes.

Kasunod ng kanilang pag-aresto, isinailalim ang mga suspek sa inquest proceedings para sa kasong estafa sa Makati Prosecutor’s Office, nitong Miyerkules.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Gierran, isinagawa ang operasyon sa reklamo ng biktima, na nagbigay sa mga suspek ng kabuuang P14.66 milyon simula Nobyembre 2016 hanggang Disyembre.

Sinabi ng NBI official na nahikayat ang biktima na mamuhunan kay Edgardo, na nagpakilalang team leader sa hydrocarbon management ng Shell Company.

Sinabi umano ng suspek na awtorisado siyang mag-solicit ng investments mula sa publiko at pinangakuan ang biktima ng 9 hanggang 15 porsiyentong monthly interests para sa investments.

Naghinala ang biktima nang hindi magbigay ang suspek ng payouts at nanghingi pa ng karagdagang P600,000.

Nagtungo ang biktima sa Securities and Exchange Commission (SEC), at natukoy na ang suspek ay hindi awtorisadong mag-solicit ng investments.

Dahil dito, nagpasaklolo ang biktima sa NBI at inaresto ang mga suspek sa aktong tumatanggap ng pera na marahil ay para sa karagdagang investment.

Jeffrey G. Damicog