Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue at dalawa pang babae dahil sa pangingikil ng P300,000 sa isang negosyante sa Plaridel, Bulacan, kamakailan.

nbi

Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina BIR Revenue Officer 2 Reynaldo Lojuco, 51, nakatalaga sa BIR office sa Plaridel, Bulcan; Bernadeth Carino, 25, at Sheila Marie Santiago, 31 anyos.

Sa report, ang tatlo ay dinampot ng grupo ng Anti-Terrorisim Division (ATD) ng NBI sa entrapment operation sa isang fast food joint sa naturang bayan, nitong Huwebes ng gabi.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Isinagawa ang operasyon batay na rin sa reklamo ng negosyanteng si Geronimo dela Cruz, 44, na nagsu-supply ng mga segunda-manong bote ng brandy sa naturang bayan.

Nauna nang sinampahan si Dela Cruz ng P10-milyon tax evasion case ngunit pansamantala itong ibinasura ng Metropolitan Trial Court ng Caloocan City dahil sa paulit-ulit na pagkabigo ng mga tauhan ng BIR na dumalo sa paglilitis.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Dela Cruz na nilapitan umano siya ni Lojuco at nagbantang bubuhayin ang kaso kapag nabigo siyang magbayad ng P300,000.

Si Lojuco ay nahuli umano sa aktong tinatanggap ang paunang bayad na P100,000 marked money.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019); direct bribery at robbery extortion.

Jeffrey G. Damicog