Timbuwang ang dalawang hinihinalang miyembro ng "Akyat-Bahay" gang matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, nitong Biyernes.

AKYAT BAHAY_ONLINE

Ayon kay Quezon City Police District-Batasan Police Station (PS-6) commander, Superintendent Joel Villanueva, ang mga suspek, na kapwa hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan, ay tinamaan ng mga bala sa katawan.

Sa police report, tinawagan sila ng security guard ng isang subdibisyon sa Sitio Veterans sa Bgy. Bagong Silangan upang i-report ang presensiya ng hinihinalang mga magnanakaw sa lugar.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon sa security officer na si Roberto Alarita, nagpapatrulya siya sa paligid ng subdibisyon nang masilayan niya ang dalawang naka-bonnet na lalaki sa loob ng isa sa mga bakanteng bahay doon.

Agad na nagtungo ang mga tauhan ng PS-6 sa lugar upang beripikahin ang ulat, gayunman, habang paparating, napansin ng mga ito ang kanilang presensiya at namaril.

Gumanti ang awtoridad at nagpalitan ng bala hanggang sa bumulagta ang mga suspek.

Narekober ng awtoridad ang dalawang .38 caliber revolvers, isang backpack na naglalaman ng gamit sa kusina, isang lunch box na naglalaman ng pakete ng umano’y shabu.

-Alexandria San Juan