Mojdeh at Dula, bumida sa Team Parañaque sa Batang Pinoy Luzon leg
CITY OF ILAGAN, Isabela – Inaasahang magiging magkaribal ang magkasanggang sina Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula para sa ‘Most Bemedalled Athlete’ award ng 2019 Batang Pinoy Luzon leg.
Kapwa produkto at hinasa ng matiyang pagtuturo at kompetisyon sa abroad ng Philippine Swimming League (PSL) nagpamalas ng dominasyon ang magkaibigang Mojdeh at Dula sa swimming competition sa Isabela Sports Complex.
Nadagdagan ng 12-anyos na si Mojdeh, pambato ng Immaculate Heart of Mary College, ang tagumpay sa grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC) sa panalo sa 100 meter butterfly (1:06.30) at 50m butterfly (30.44).
Sa unang araw ng kompetisyon nitong Martes, pinagbidahan ng swimming sensation ang 200m Individual Medley (2:34.91) at 400m IM (5:25.11).
“Nasa kondisyon po. Malaking tulong po yung training at kompetisyon namin sa abroad. Regular po kasi ang participation naming mga swimmers ng Philippine Swimming League (PSL),” pahayag ni Mojdeh, kamakailan lamang ay nagmistulang Olympic champion Michael Phelps, nang pagwagihan ang walong gintong medalya, tampok ang pitong meet record sa ginanap na All-Star Swim Meet sa pamosong Water Cube sa Beijing, China.
Ang premyadong si Phelps ang umukit ng kasaysayan sa 2008 Beijing Olympics sa napagwagihang walong gintong medalya sa naturang swimming venue.
“Masaya po. Yung sabihan lang po ako na ala-Phelps yung performance ko, masaya na po ako,” sambit ni Mojdeh. Nakatakda pang sumabak si Mojdeh sa 200m butterfly.
Hindi naman nagpahuli ang 12-anyos na si Dula, tulad ni Mojdeh, gumagawa ngpangalan sa international scene, kabilang ang walong gintong medalya at isang silver na napagwagihan sa 2018 Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championship sa Dubai.
Winalis ng pambato ng Mashville Elementary School ang limanfevent na nilahukan kahapon para pagkalooban ang Team Paranaque ng impresibong kampanya sa pool.
Sa kanyang unang pagsabak sa torneo, ginapi ni Dula angmga karibal sa 50m backstroke (33.46), 100m butterfly (1:08.82), 200m backstroke (2:44.46), 100m backstroke (1:14.71) at 50m butterfly (30.78).
“Masaya po ako. Malalakas ang kalabn ko kaya pasalamat po ako at nanalo ako sa mga event ko,” pahayag ni Dula.
Malaking impluwensya aniya ang kanyang ama na si Marlon para magpursige sa swimming.
“Si Daddy po talaga nagturo sa akin magswimming. So ever since po siya na po Ang coach ko. Tapos yung tulong ni coach Alex Papa, malaking bagay po sa development ng laro. Maraming salamat po sa PSL family ko,” aniya.
Sa athletics, nakuha ng tinaguriang “barefoot athlete’ ng Palarong Pambansa na si Lheslie de Lima ang unang ginto para sa Camarines Sure nang magwagi sa 1,500 run sa tyempong 4:51.5.
“Target ko po na mabigyan ng karangalan ang bayan ko,” ayon sa 14- anyos runner.
Sa 1500m boys, bumida si Hussein Lorana ng Baguio City sa kanyang tyempo na a 4:27.1.
Hindi naman nagpahuli ang pambato ng Bulacan Province sa long jump girls na si
Marvelyn Canon na naitala nitong 5.50m.
Sa Discus throw boys, bumandera si Ron Gabriel Villa ng Dssmarinas City sa naibatong 35.24 meters.
Sa arnis, nakuha ni Irish Rueco ng Pasig City ang ginto sa Junior girls traditional individual double weapon event ganun din ang kanya kakampi na si Jharie Matthew Magsangcay sa Junior Boys traditional individual single weapon.
Habang sa team event, nagwagi ang pambato ng Valenzuela na Shaina Ruvie Mackang, Aphrodite Ymasa at Aldrin Nare Cabaluna para sa Junior girls traditional team open weapon event.
Habang ang tropa ng Ligao City ang nakakuha ng ginto sa Junior boys traditional team open weapon sa pangunguna Nina Frances Lance Piado, Joe Delo at Erickson Noleal.
-Annie Abad