TAG-ARAW na pala. O, tag-araw, layuan mo kami. Makararanas ng mahaba at maalinsangang panahon mula Marso 21 pagkatapos ng tinatawag na “vernal equinox” o simula ng tagsibol (spring) sa Northern Hemisphere na kung saan ang Pilipinas ay naroroon, at taglagas (autumn) sa Southern Hemisphere.
Ipinaliwanag ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomic Services Administration) na sa panahon ng “equinox”, ang gabi at ang araw ay pareho ang haba sa latitude ng parehong hemispheres. Pakilinaw nga PAGASA ang mga terminong ito, please.
Ang salitang equinox ay mula sa Latin word na “aequus” na ang kahulugan ay equal o pantay, at “nox” o gabi. Sa ngayon, habang isinusulat ko ito, hindi pa idinideklara ng PAGASA na talagang tag-araw o tag-init na sa ‘Pinas.
oOo
Nagpayo ang Department of Health (DoH) na iwasan muna ang pag-inom ng kape at tsaa ngayong tag-init upang maiwasan ang heat stroke. Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na dapat mag-ingat ang mga tao at magsagawa ng precautions laban sa heat stroke bunsod ng mainit na panahon.
Papaano naman ako Sec. Duque, e,h pagkatapos ng 30 minutong walking-jogging ay nagkakape kasama ang kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo at si senior jogger? Anyway, marami namang tubig na malamig ang iniinom namin sa pagkakape. Ako, may isang pitcher yata ng tubig ang iniinom ko para ma-hydrate ako. Ginagaya naman ako ng dalawa.
oOo
Ngayong tag-araw na malimit ang insidente ng sunog, may 332 bayan at siyudad pala ang walang fire trucks o trak-bumbero, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). Karamihan sa mga lugar na walang trak-bumbero ay mula sa mahihirap na lugar ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na ngayon ay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) na. Aba, malaking pondo ang inilaan sa inyo ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at ng Kongreso. Bumili kayo ng mga truck.
Batay sa rekord ng BFP, ang BARMM ay may 96 na firetrucks lang, Eastern Visayas (26), Central Visayas (24), Northern Mindanao (23), at Ilocos at Zamboanga Peninsula ay tig-22. Lahat ng 16 na siyudad at isang bayan sa National Capital Region ay may fire trucks.
Ayon kay BFP chief Director Leonard Banago, matagal pa bago mabigyan ng trak-bumbero ang lahat ng lugar. Kung ang isang firetruck daw ay para sa 28,000, kailangan ang 3,606 trak-bumbero. Ano ang masasabi ninyo sa sitwasyong ito mga kandidato ng Otso Diretso, Hugpong ng Pagbabago, at PDP-Laban sa midterm elections?
oOo
Kung ang tapang at palabang-ugali ni Davao City Mayor Sara Duterte ay namana sa amang Pangulo, ang pagiging kontrolado at disiplinado naman niya ay nakuha niya sa kanyang inang si Elizabeth Zimmerman. ‘Di ba minsan ay pinitserahan niya ang sherrif na hindi tama ang ginawa?
Ayon sa matapang na alkalde, pinagsabihan siya ng ina na itigil na ang pakikipag-away (word war) kay Vice Pres. Leni Robredo at sa mga kandidato ng OTSO DIRETSO. Sinabihan daw siya ng inang si Elizabeth na lubayan ang pakikipag-away at pambu-bully sa oposisyon.
Ganito ang pahayag ni Inday Sara: “Alam ng lahat ng tao na anak ka ni Rodrigo, pero dapat na malaman nila na anak ka ni Elizabeth. Tumigil ka na.” Bilang isang masunuring anak, lulubayan na ni Sara ang pakikipag-away. Palakpakan natin si Elizabeth at si Sara.
Sinabi naman ni beautiful Leni, titigilan na niya ang pakikipagsagutan kay Inday Sara. Hindi raw makatutulong ang insultuhan sa paglutas sa mga problema ng bayan. Nagsimula ang kontrobersiya ng sabihin ni Inday Sara na hindi isyu ang katapatan ngayong eleksiyon. Nais kasi niyang idepensa si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa umano’y pagsisinungaling nito na siya ay graduate sa Princeton University sa ibang bansa. Ayon sa oposisyon, hindi nagtapos doon si Imee.
-Bert de Guzman