NANAWAGAN ngayong Miyerkules ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa kanilang mga pasahero na huwag sandalan ang pintuan ng mga tren upang makaiwas sa aberya.
Umapela ang MRT-3 makaraang magkaaberya ng kanilang tren sa southbound lane ng Ortigas Station, dakong 6:34 ng umaga ngayong araw.
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na ang aberya ay sanhi ng “door failure glitch,” na maaaring dulot ng pagsandal ng mga pasahero sa pintuan o di kaya ay puwersahang pagbubukas dito.
Napilitan naman ang MRT-3 na pababain ang may 800 pasahero na sakay ng tren dahil insidente.
Kaagad rin namang naayos ng mga tauhan ng MRT-3 ang problema at matapos lamang ng pitong minuto ay naisakay sa kasunod na tren ang mga pinababang pasahero at naihatid sa kanilang destinasyon.
Ito ang ikatlong araw na nagkaroon ng aberya ang MRT-3 ngayong linggong.
Nitong Lunes ay nagpatupad ng limitadong operasyon ang MRT-3 dahil sa problema sa Overhead Catenary System (OCS) power sa bahagi ng Guadalupe Station hanggang sa tunnel, na naging nagdulot ng problemang teknikal habang nagkaaberya naman ang isang tren nito nitong Martes dahil sa electrical failure.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City.
-Mary Ann Santiago